Lahat possible sa Pilipinas

SA munti kong pagkakaalam, ang ano mang isiwalat ng isang mambabatas sa loob ng bulwagan ng Kongreso ay itinuturing na privileged information at ang sino mang tamaan ay hindi puwedeng magdemanda. Bahagi kasi ito ng proseso sa pagbuo ng batas. Kaya hangga’t ang ginagawa ng mambabatas ay naaayon sa pagtupad ng kanyang tungkulin, mayroon siyang immunity from suit.

Ihahabla raw ng presidential son na si Paolo “Pulong” Duterte si Senador Sonny Trillanes dahil sa pagdadawit ng huli sa kanya sa pagpupuslit sa bansa ng bulto-bultong shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P6 bilyon. Hinamon pa nga ni Trillanes sa isang hearing ng Senado noong nakaraang taon si Paolo na ipakita ang tattoo sa likuran na nagpapatunay na ito ay kasapi sa isang mala­king triad ng droga sa Asia. Hindi kinagat ni Paolo ang hamon.

Iniisip ko lang, bakit kaya matagal bago naisipang maghabla ng batang Duterte?

Nagsisinungaling man si Trillanes o nagsasabi ng totoo, ang kanyang pagsisiwalat ay bahagi ng kanyang karapatan at katungkulan bilang mambabatas. Hindi ko alam kung may pagkakataong nasabi niya ito sa labas ng bulwagan ng Senado pero kung hindi naman, may immunity si Trillanes laban sa ano mang klase ng demanda.

Handa naman daw harapin ni Trillanes si Paolo sa korte at kaya niyang patunayan na totoo ang kanyang mga alegasyon.

Talagang sa ilalim ng pamahalaan ngayon, wala nang imposible. Sinasabi sa Konstitusyon na ang Chief Justice at puwede lamang alisin sa pamamagitan ng impeachment na tanging nasa poder lamang ng Kongreso. Pero matagumpay na naisagawa ito sa pamamagitan ng Quo Warranto Petition laban sa napatalsik na Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Tanong: Buhay pa ba ang demokrasya?

Show comments