EDITORYAL - Problema sa air pollution, solusyunan ng DENR

NAKATUTOK ang Department of Environmental and Natural Resources (DENR) sa paglilinis sa Boracay at hindi napagtutuunan ng pansin ang luma­lalang problema ng air pollution sa Metro Manila. Kung delikado ang mga dumi na itinatapon sa dagat ng mga iresponsableng resort owners at iba pang negosyante, mapanganib din naman kapag nalanghap ang hangin na may lason sa Metro Manila. Hindi ito dapat ipinagwawalambahala ng DENR.

Nararapat nang pagtuunan ng DENR ang paglutas naman sa grabeng air pollution sa Metro Manila at mga kalapit na lungsod at bayan. Maraming sakit ang nakukuha sa hangin na may lason at kabilang dito ang pulmonya, bronchitis, asthma, istrok at atake sa puso.

Ang Metro Manila ay isa sa mga siyudad sa mundo na malubha ang problema sa air pollution. Noong nakaraang taon, isang doktor ang nagpayo na dapat nang mag-face masks ang mga taga-Metro Manila para makaligtas sa hangin na may lason.

Ilang malalaking kalsada sa Metro ang tinukoy­ na grabe ang pollution at ito ay ang EDSA, Taft Ave­nue, Quezon Avenue at C5. Mga bulok na bus at jeepney ang itinuturong pollutants sa mga nasabing­ kal­sada. Marami pa ring bulok na jeepney ang pa­tuloy na bumibiyahe kahit ipinatutupad ang moder­nisasyon.

Noong nakaraang taon din, nagkaroon ng ranking­ sa 230 siyudad sa buong mundo na gustong puntahan ng mga dayuhan. Nasa ika-136 na puwesto ang Metro Manila. Isa sa mga dahilan kung bakit malayo ang puwesto ng Metro Manila sa mga gustong bisitahin ng mga dayuhan o turista ay dahil sa air pollution. Mas gusto ng mga dayuhan na puntahan ang mga lugar na malinis ang hangin. Pinakamarami ang gustong manirahan sa Vienna, Austria at sa Singapore.

Suportahan ng DENR ang pag-phase out sa mga lumang sasakyan sapagkat ang mga ito ang nagbubuga ng 80 porsiyento ng nakalalasong usok. Ipatupad ang nakasaad sa Clean Air Act na bawal ang paggamit ng incinerators at mga pagsusunog.

Kung nagawang solusyunan ang problema sa Boracay kaya rin ng DENR na lutasin ang problema sa air pollution sa Metro Manila at iba pang lugar. Iprayoridad ito para makalanghap ng malinis na hangin ang mamamayan. Iligtas ang mamamayan na unti-unting pinapatay ng “killer hangin”.

Show comments