IISA ang sinumpaang tungkulin ng mga doctor at nurse sa lahat ng ospital. Ito ay ang gamutin ang mga may karamdaman at iligtas ang buhay ng bawat pasyente hanggang sa abot ng kanilang kakayanan. “Hippocratic Oath” kung tawagin ng mga dalubhasa sa medisina.
Pero ang nakakalungkot na katotohanan, di ito naisasapuso at naisasakatuparan. Mayroon kasing mga ospital na mukhang pera at walang pakialam sa iba. Hirit ng mga lintik, “magbayad ka muna, bago ka namin gamutin”.
Pampubliko man o pribadong ospital, guilty sa gawaing ito. Ang walang pakundangan panggigipit sa pamilya ng mga pasyenteng nalalagay sa alanganin. Kahit pa malinaw na labag ito sa Republic Act 10-932 o Anti-Hospital Deposit Law. Pasyenteng nasa may malalang karamdaman at nasa bingit ng kapahamakan o kamatayan man, walang kalaban-laban na niyuyurakan ang karapatan. Kahit pa may batas nang pumuprotekta sa kanila.
Dahil marami sa ating mga kababayan ang bulag sa batas na ito, sinasamantala ng mga ganid na ospital ang pagkakataong makapanggatas sa mga pobre. Bagay na kailangang ayusin at baguhin ng ating gobyerno.
Kung ako ang tatanungin, may mga bagay akong imumungkahi sa Kagawaran ng Kalusugan. Una, magpaskil ng mga karatula sa loob at labas ng mga ospital. Nakasulat sa bawat karatula ang mga katagang “This hospital is 100 percent compliant to Anti-Hospital Deposit Law”. Bukod dito kailangan din na magkaroon ng emergency hotline ang Department of Health. Ito ay para agarang makahingi ng saklolo ang pamilya ng pasyente na ginigipit ng mga ospital.
Di ako naniniwala sa lip service o mga kyaw-kyaw ng mga regulators sa sektor ng kalusugan. Kahit na anong turo natin sa mga pasyente ng kanilang karapatan, kung ang mga ospital naman ay walang pakundangan sa pagsuway hindi rin ito maisasakatuparan. Higit sa lahat, oras na para lagyan ng ngipin ang ating batas. Aanhin natin ang mga batas na tulad nito kung hindi naman istriktong naipatutupad? Dapat parusahan at sampolan ang mga pagamutan maging ang mga doktor na lumalabag sa batas na ito.
Hanggang hindi nabibigyan ng leksiyon ang mga putok sa buhong doktor at mga ospital na ito, hindi sila titigil sa pamemerwisyo. Patuloy sila sa kanilang kalokohan at marami pang Pinoy ang magdurusa at mahihirapan.