Iba siguro
NASAGOT din ang tanong ko. Hindi pa nga naibabalik ng kumpanyang Bitag ang ipinangakong P60 milyon sa Department of Tourism (DOT), nang pumutok ang isyu na nauwi sa pagbibitiw ni Sec. Wanda Teo. Kinumpirma ni DOT Sec. Bernadette Romulo-Puyat na wala pa siyang alam na ibinalik na pera ng Bitag Productions sa DOT. Kung si Ramon Tulfo naman ang tatanungin, ang nagpahayag na ibabalik daw ng Bitag ang nasabing pera ay ang abogadong si Ferdinand Topacio, na wala raw pahintulot na magbigay ng ganyang pangako. Kaya ang tanong na lang, ibabalik nga ba o hindi? Siguro kailangan nilang linawin iyan sa bagong pamunuan ng DOT.
Sa isang bagay naman kung saan delikadeza rin ang isyu, ayon sa SEC, 60 porsyento ng Vigilant Investigative and Security Agency Inc. ay pag-aari pa ni Solicitor General Calida. Bumitiw nga siya bilang presidente at chairman, pero siya pa rin ang may-ari ng higit kalahati ng kumpanya. Ang natitirang 40 porsiyento ay pag-aari ng kanyang asawa at tatlong anak. Ayon sa kanya, wala raw isyu ito, walang “conflict of interest”. Wala nga ba? Kapag yumaman ba ang kompanya, hindi rin siya makikinabang, kung kalahati nga ng kompanya ay kanya?
Ayon kay DOJ Sec. Guevarra, sisilipin na rin ang mga kontrata ng security agency sa DOJ. Unang nagpahayag na walang dahilan para silipin ang mga kontrata, kung wala namang pormal na nagrereklamo. Dapat lang daw ay na-ging “circumspect” ang DOJ. Puwedeng base sa kanyang pahayag ay dapat nga may delikadeza. Para nga walang masabi. Kung ayaw ni Pres. Rodrigo Duterte na makausap ninuman ang kanyang pamilya, parang ganito na rin ito.
Pero nagsalita na si Duterte. Hindi raw sisibakin si Calida, dahil hindi naman daw nakikialam sa negosyo ng kanyang pamilya, at bumitiw na nga. Nataon lang na noong nasa poder na si Calida, maraming nakuhang kontrata ang security agency sa gobyerno. Tulad nga ng sabi ko, bumitiw nga siya bilang presidente at chairman, pero nakikinabang pa rin siya sa negosyo ng kanyang pamilya, kung saan 60 porsiyento ay kanya. Iba siguro kung ang mga nakuhang kontrata ng security agency ay hindi sa mga ahensiyang gobyerno. Iba rin siguro kung hindi siya ang nakapagpatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
- Latest