Bahala na raw

NAGBIGAY na umano ng mga kundisyon ang Pilipinas sa China. Mga kundisyon na kaila­ngang sundin ng China, kundi handa na raw ipaglaban ng bansa ang mga kundisyon na ito. Mga tinatawag na “red line” na hindi dapat tinatawid ng China. Ang isa ay ang Scarborough Shoal. Ayon sa admi­nistrasyon, hindi dapat maglikha ng artipisyal na isla ang China sa Scarborough Shoal. May kakayahan ang China na lumikha ng mga artipisyal na isla. Kaya kahit tila China ang may kontrol ng nasabing lugar sa karagatan, hindi sila puwedeng lumikha ng isla na sila ang gagamit. Wala namang binanggit na hindi dapat sila ang may kontrol dito, kahit napakalapit na sa bansa. 

Pangalawa, hindi nila puwedeng galawin­ ang BRP Sierra Madre, na nakabalaho sa Ayu­ngin Shoal. Ang kinakalawang na barko ay tirahan ng Philippine Ma­rines na nagbabantay sa ating teritoryo. Kating-kati na ang China na tanggalin ito. Nagprisinta noon na tatanggalin na ang barko pero hindi pumayag ang na­karaang administras­yon. Hindi rin pwedeng harangin o pigilan ang mga maghahatid ng supplies sa ating Marines sa BRP Sierra­ Madre. Pangatlo, wa­lang bansa ang puwe­deng mag-isang maghango ng likas na kayamanan ng karagatan. Handa raw si Pres. Rodrigo Duterte na makipagdigmaan kapag hindi nasunod ang mga kundisyon na ito. Bahala na raw.

May kundisyon din ang China. Hindi raw puwedeng angkinin ninuman ang mga islang wala pang tao. Sana sumunod din sila sa kanilang pahayag. Hindi tumutol ang China sa pahayag ng ASEAN na walang bansa ang puwedeng mag-militarize ng karagatan. Pero ano ang ginawa nila kailan lang? Tingnan na lang natin kung masusunod ang mga kun­disyon na ito, partikular ang pagharang sa mga nagdadala ng supplies sa BRP Sierra Madre. Ilang beses nang hinaras ng mga barko ng Chinese Coast Guard ang ating mga barko. Sana ay hindi na nga. Pero mabuti at nagbigay ng mga kundisyon ang administrasyong ito sa China. Para alam din nila na hindi lang tinatanggap ng Pilipinas ang lahat ng kanilang ginagawa sa karagatan. Kailangang ipakita na ipaglalaban ang teritoryo.  

Show comments