MAY mahigpit na direktiba si Presidente Duterte sa Department of Trade and Industry. Paigtingin ang pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin at hulihin ang mga lumalabag sa suggested retail price.
Problema ngayon ang hindi maampat na paglobo ng presyo ng mga pangunahing bilihin na sinasabing dahil sa c. Bagamat, tulad ng naunang nasabi ko, ang TRAIN Law ay isang necessary evil, katakutakot na batikos na ang ibinato sa administrasyon ng iba’t ibang sector.
At may katuwirang magalit ang publiko dahil ito ang unang-unang nahahambalos ng tax reform law. Bagamat inalisan ng buwis ang mga ordinaryong empleyado, tinaasan naman ang taripa sa mga sensitong produkto gaya ng petrolyo sa ipinataw na excise tax. Dahil diyan, halos lahat ng paninda at serbisyo ay tumaas din ang halaga.
Ang problema ay – kahit nagpatupad ng suggested retail price and Department of Trade and Industry, nasa mataas na antas na ang lebel ng mga pangunahing paninda. Ngunit totoo ang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mayroon pa ring ilang negosyanteng walang kaluluwa ang nagpapataw ng sobrang patubo sa mga kalakal na dapat bantayan.
Ngunit mas makabubuti pa rin kung maibalik pa rin sa affordable level ang halaga ng paninda at pag-isipan ng pamahalaan kung saan mababawi ang buwis na mawawala kung isususpinde ang excise tax sa petrolyo. Hindi ako expert at wala akong maimumungkahi.
Ang nararamdaman ko lang ay tulad din ng nadarama ng mga karaniwang mamamayan na sa harap ng pagpaimbulog ng halaga ng mga bilihin ay nananatiling kakarampot ang sahod.
Sinabi pa ni Roque na nasa 70 porsiyento ang mga nagsasamantalang negosyante. Napakalaki ng porsyentong iyan ng mga negosyante at dapat talaga silang manmanan, hulihin at patawan ng parusa. Ipinaalala pa ni Roque na bukod sa multa, maaari ring tuluyang ipasara ang mga tindahan na mahuhuling hindi sumusunod sa itinakdang presyo o suggested retail price.