Ngayon ay buwan na ng Mayo --
Ang dala ay samyo ng rosas at liryo;
At maging sa bayan at baryo
Sa loob ng bansa’y papawi sa gulo!
Dahil batid nating halos buong taon
Magulo sa lunsod sa bayan at nayon;
Kung wala ang Mayo sa buong panahon
Walang kasayahang sasaatin ngayon!
Alam nating lahat nasa buwang ito
Tao sa probinsya oo nga’t magulo --
Sila’y nagsasaya sa maraming dako
Sila’y nagsisimba’t sa pista’y dadalo!
Kung sumasapit na yaong takipsilim
Tunog ng kampana’y aliw sa damdamin;
Pagka’t orasyon na ang puso’t damdamin
Ay nagkukrus saan man abutin!
Sa mga barangay at mumunting nayon
May mga pistang ang tampok ay Patron;
Saanman magawi’t saanman paroon
Ay mabubusog ka’t mayroon pang pabaon!
Bukod sa paalay may Flores de Mayo
May nangangasiwang Hermana’t Hermano;
At sa huling araw magprusisyon dito
Mayroong Emperatres saka Constantino!
Ang ugaling ito sa mga probinsya
Ay patuloy pa rin ngayo’y ginagawa;
Kaya ang dalangin sa Poong Bathala
Magandang tradisyon ay huwag mawala!