NATUWA si President Duterte sa ipinakitang gesture ng Kuwaiti government kaya ipinag-utos niya noong Huwebes kay Labor Secretary Silvestre Bello III na alisin na ang deployment ban ng OFWs sa nasabing bansa. Agad pinirmahan ni Bello ang isang department order na nag-aalis sa deployment ban ng skilled workers at professionals sa Kuwait ganundin ang household service workers.
Ayon kay Bello, maaari nang magtungo sa Kuwait para magtrabaho ang mga Pinoy basta’t legal at kumpleto ang papeles. Makaaasa umano ang mga OFWs sa Kuwait na mapuproteksiyunan na sila makaraang malagdaan ng Pilipinas at Kuwait ang memorandum of understanding. Kabilang sa napagkasunduan ay ang pagkakaroon ng dayoff ng mga domestic helpers, pagkakaroon ng cell phone, sapat na tulog at hindi ipahihiram sa mga kaanak ng amo. Hindi na rin hahawakan o itatago ng employer ang passport ng mga DHs kundi ang Philippine Embassy ang mag-iingat nito. Hindi na rin maaatrasado ang suweldo.
Isa rin sa magandang ipinakita ng Kuwaiti government ay nang hayaan nito na makaalis na ang undocumented Pinoy na nasa shelter doon at sinagot pa ang pamasahe. Iyon ay pagpapakita na iginagalang ng Kuwait ang kasunduan sa Pilipinas. Labis na ikinatuwa ng delegasyon ng Pilipinas sa pangunguna ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano, Presidential Spokesman Harry Roque at Labor Sec. Bello ang ginawa ng Kuwaiti government. Mas natuwa si Duterte kaya pinayagan na nitong alisin ang deployment ban. Kahapon, pinalaya na rin ang tatlong tauhan ng Philippine Embassy sa Kuwait na na-detain dahil sa kontrobersiyal na “rescue mission” na naging dahilan para magkalamat ang relasyon ng dalawang bansa.
Maraming OFWs sa Kuwait ang natuwa dahil sa lifting ng deployment ban. Sana matupad lahat ang nasa kasunduan at wala nang maabuso o mapatay na OFW gaya nang nangyari kay Joanna Demafelis na inilagay ang bangkay sa freezer. Sana wala nang pang-aabuso at mga pagmamaltrato.