Smugglers ng bawang, sibuyas nariyan pa (2)

“TALAGANG merong cartel sa bawang.” ‘Yan ang de­k­la­rasyon ni ngayo’y Sec. of Agriculture Manny Piñol sa pagdinig ng Senado nu’ng Hulyo 2017. Katunayan niya: 43 kooperatiba at traders ang pinayagan ng Bureau of Plant Industry na umangkat ng 70,000 tonelada ng pa­nimpla sa pagkain sa unang kalahati ng 2017. ‘Yun ay para sumapat ang supply sa bansa. Pero ang in-import nila ay 19,000 tonelada lang. Sumipa tuloy ang presyo sa mahigit P200 kada kilo, mula sa dating P140. Napansin ni Senate committee on agriculture chairwoman Cynthia Villar na ang mga nasa listahan ni Piñol na kooperatiba at traders ay ‘yun ding mga inimbestigahan niya nu’ng 2014. Binisto na rin sila noon ng Office of Fair Competition, at pina­kasuhan ng NBI nu’ng 2015 ang 125 cartelists. ‘Yun ang dahilan sa pagsibak kay noo’y-BPI director Cla­rito Barron­. Nanatili sa puwesto si noo’y-Agriculture Sec. at Liberal Party treasurer Proceso Alcala. Pero tinanggal sa kanya ang limang maseselang ahensiyang pangsakahan at pagkain. Siya raw ang protektor ng cartel sa panimpla.

Kataka-taka, sa sumunod na Senate hearing, kinontra ng bagong BPI director Vivencio Mamaril ang sinabi ng boss na Piñol. Nu’ng 2013 pa siya sa BPI, panahon ni Barron, pero wala raw ebidensiya ng cartel. Hindi raw niya naririnig ang pangalan ng smuggler na panimpla na Lilia (alyas Leah) Cruz. Kinampihan siya nu’ng una ni Piñol, tapos pinalitan.

Lumabas na matagal nang magkasapakat sina Alcala, Barron at Cruz. Nu’ng 2005 ipina-exempt ni Barron sa Customs bureau ang P14-milyong duties sa apat na imports ng sibuyas, dalawa noon kay Cruz. Pakiusap daw ‘yun ng House committee on agriculture ni Alcala.

Nitong Abril nasabat ng Customs sa Manila port ang 17 cargo containers puno ng smuggled sibuyas. Ang kar­ga­mento, halagang P34 milyon, ay markadong mansanas mula China, na walang import duties.

Show comments