Laman ng kasunduan

SA pinakahuling tala ng Philippine Statistics Authority pumalo sa 2.3 million ang bilang ng OFWs sa iba’t ibang sulok ng bansa mula April hanggang September 2017. Malaking porsiyento ng mga OFW ay nasa Middle East. Pinangungunahan ito ng Saudi Arabia, United Arab Emirates at Kuwait.

Kaakibat nang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga OFW ay ang patuloy ding pagtaas ng bilang ng mga kababayan na-ting inaabuso at minamaltrato ng kanilang mga amo. Kabilang na dito ang Pinay domestic helper sa Kuwait na si Joanna Demafiles na walang awang pinatay at isinilid sa isang freezer. Bagay na nagtulak na sa ating pamahalaan na gumawa ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait sa pangunguna ng Department of Foreign Affairs at Sec. Allan Peter Cayetano.

Isa-isahin natin kung ano ang mga nakapaloob sa kasunduang ito para masolusyunan ang problema ng ating mga kababayan. Una, ang agarang pagresponde sa mga OFW kapag sila’y nalalagay sa alanganin. Lalo na sa mga manyakol at abusadong employer. Ibig sabihin, kilos pronto hindi kilos pagong!

Pangalawa, hindi puwedeng hawak ng employer ang mga importanteng dokumento ng mga OFW tulad ng passport, iqama at iba pa. Kabilang na rin dito ang pagkumpiska ng employer sa mga cellphone o gadgets na pag-aari ng OFW. Oobligahin din ang mga employer na magbukas ng bank account para sa mga domestic workers nang sa gayon ay ma-monitor kung tama ang sahod na natatanggap ng mga ito ayon sa pinirmahang kontrata. Pati ang pagsingil at pagbawas sa suweldo ng mga OFW na wala sa kontrata ay mahigpit ding ipagbabawal. Hindi na rin uubra ang pagbebenta sa mga OFW sa ibang employer nang hindi dumadaan sa proseso at hindi ipinapaalam sa Kuwaiti Government. Magkakaroon din ng regular monitoring and inspection sa pinagtatrabahuhan ng OFW upang matiyak kung maayos ang kanilang lagay.

Panghuli, ang mga abusadong employer na lalabag sa ano man sa mga kasunduang ito ay ilalagay sa blacklist at hindi na kailanman papayagang makakuha ng kasambahay na Pilipino. ‘Yan ang mga solusyon sa problema. Pero ano nga ba ang tunay na ugat ng problema? Sino pa, walang iba kundi ang mga pendehong Philippine Recruitment Agency at Foreign Recruitment Agency na nagsasabwatan sa kalokohan.

Dapat sa mga putok sa buho na ‘to, pinagsisipa sa kanilang mga sintido at pinagta-tadyakan sa kanilang mga lalamunan. Sa kanila nagsisimula ang problema, kaya sila ang dapat na mawala. Tama lang na ang pagpapadala sa mga OFW ay usapan ng gobyerno sa gobyerno. Tingnan natin kung ang mga nasabing kondisyon na ito’y mapapatupad.

Show comments