Ano ba ang tula? Ah, ito ay awit
ng mga makatang matalim ang isip;
Kung ikaw ay taong walang nilalangit
di mo makakatha tula ng pag-ibig!
Ito rin ay sining ng mga Tagalog
at naging palasak sa maraming pook;
Bisaya’t Ilonggo sa tula’y nabantog
kaya sining itong sa bansa’y alindog!
Duplo at korido sa Balagtasan
na noo’y nauso sa loob ng bayan
Di na naririnig kahit saan man
wari bang ang sining ay nalimutan?
Kaya nasaan na ang mga makata
na noo’y nagtampok sa maraming tula?
Sa ngayo’y para bang sila ay nawala --
pati si Balagtas nalimot na yata?