SA susunod na linggo ay umpisa na ng pangangampanya ng mga kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan elections. Tiyak na magi-ging abala na ang mga kandidato at kanya-kanyang pakulo para makumbinsi ang mga residente na iboto sila. Maraming naiisip na gimik para tumatak sa isip ng kabarangay ang pangalan. Lahat ay gagawin ng kandidatong barangay chairman at kagawad para makapuwesto. Tiyak na magpapakawala ng pera ang kandidato para masiguro ang tagumpay.
At sa ganitong pagkakataon, delikadong ang maiboto ng mga tao ay may bahid ang pangalan. Maaaring ang makaupo sa puwesto ay “manok” ng drug syndicates. Kapag maraming pera ang tumatakbong chairman at kagawad, magtaka na ang botante sapagkat tiyak na ginagastusan siya ng sindikato. Kapag maraming pinamudmod na kung anu-ano ang kandidato, tiyak mayroong nagpi-finance sa kanya. Ginagastusan siya para pagnakaupo na, madali nang maitayo ang negosyo sa barangay. Puwede nang magtayo ng shabu lab at iba pang illegal.
Posible ito. Sa kasalukuyan, kung anu-ano nang paraan ang ginagawa ng drug syndicate para hindi maputol ang kanilang negosyo. Pati mga droga --- shabu at cocaine ay ipinaaanod na sa dagat pero may tracking device para namo-monitor kung saan napadpad. Kung makokontrol ng sindikato ang mga namumuno sa barangay, walang kahirap-hirap na maipapasok ang sandamakmak na illegal drugs.
Pinakamagandang magagawa ay ang paglalantad ng mga kandidatong nasa “drug-lists”. Ngayon na ilabas ang mga pangalan para makapag-isip ang mamamayan at nang hindi na maiboto ang mga kandidatong may bahid ang pangalan. Bago magsimula ang campaign period, dapat malantad na ang mga kandidatong nasa “drug-lists”.
Hindi na dapat magpahinay-hinay pa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Nararapat nang mailantad ang mga sangkot sa illegal drugs para mabigyang-babala ang mamamayan. Dapat nilang malaman ang tunay na pagkatao ng isusulat sa balota. Hindi sila dapat magkamali at baka sangkot sa droga ang mapili.