Hangga’t hindi nagbabago

Hangga’t mga Pinoy hindi nagbabago

Sa mga gawaing kontra sa asenso;

Itong ating lahi, lahing Pilipino

Ay laging bigo sa pangarap nito.

 

Hangga’t sa gawain nang maraming Pinoy

Hindi magbabago saan man naroroon-

Hanap na biyaya malayo na ngayon

Katawang lupaypay ay hindi babangon!

 

Hangga’t ang mayaman lalong yumayaman

At ang bawa’t isa’y di nagtutulungan;

Mga maralita nating mamamayan

Lalo pang sasadlak sa karalitaan!

 

Hangga’t ang gobyerno ay nagpapabaya

Mga pulitiko ay nagpapasasa;

Lalo pang sasagwa ang lagay ng bansa

Ating mamamayan lalo pang kawawa!

 

Hangga’t malakas pa sa ating gobyerno

Mga taong ganid habang nasa p’westo;

Mga taong tapat hindi magbabago

Laging nakalugmok at lulugu-lugo!

 

Hangga’t mga Pinoy hindi nangangarap

Na ang bayan natin bahagyang umangat--

Kuntento na lamang sa maling palakad

Itong ating bansa’y sasadlak sa hirap!

 

Hangga’t ang bukirin ay nakatiwangwang

Dahil hawak lamang ng mga mayaman;

Mga magbubukid ay di matulungan

Ang hinging patubig walang katiyakan!

 

Hangga’t itong ating mga mangingisda

ay pumapalao’t maliit ang bangka;

Ang ating gobyerno ay nakatunganga

Kinakain natin ay isdang bilasa!

Show comments