HINDI pa umiinit sa pagkakaupo si PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, dalawang pulis agad ang nasampolan ng “no mercy” policy niya. Dalawang pulis Pasay ang inaresto sa isinagawang entrapment operation ng Philippine National Police Counter-Intelligence Task Force (CITF) habang nangongotong sa mga drayber ng bus at iba pang public utility vehicles sa mga illegal terminal sa lungsod. Hindi nila pinahalagahan ang mataas na sahod na ibinigay ni Pres. Rodrigo Duterte. Bukod sa kahihiyan sa kanilang mga kabaro, namimintong madamay ang kanilang mga pamilya sa pagkagutom, hehehe! Sana’y maging aral na ito sa mga pulis nang maiwasan ang bagsik ni Albayalde. Kung hindi kayo titigil, masisibak sa serbisyo at ihaharap sa media.
Katulad sa nangyaring presentation sa Camp Crame kung saan iniharap ni S/Supt. Jose Chiquito Malayo sina PO2 Jerry Adjani Jubail at PO1 Michael Domalanta sa mga reporter. Ayon kay Malayo matagal na umano nilang sinusubaybayan ang dalawang pulis matapos magreklamo ang mga drayber na kinukotongan ng mga ito. Nang madakma ang dalawa, mistulang maamong tupa ang mga ito. Mahihirapan silang malusutan ang kaso dahil nahuli sila sa aktong tumatanggap ng pera sa mga drayber na pumi-pick-up ng pasahero sa illegal terminal sa Pasay. Malas ang huling lakad nina PO2 Jubail at PO1 Domalanta dahil maging ang kanilang hepe sa Malibay Pasay Community Precincts na si C/Insp. Glen Sagun ay kasamang nasibak sa puwesto dahil sa command responsibility. Si Sagun ay nahuli noon ni Albayalde na natutulog sa malamig na PCP-7.
* * *
Pinasasabik ni Philipine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino ang publiko sa paglalathala o paglalantad ng mga pangalan ng mga nakalistang narco-politicians ni President Duterte. Ilang araw na lang kasi mga suki at barangay at Sangguniang Kabataan elections na, kaya nais din kasi ng mga botante na malaman ang pangalan ng kanilang barangay chairman, kagawad at SK official na isusulat sa balota. Kasi habang tumatagal at nabibitin ang mga botante sa ibubulgar ni Aquino lalo lamang nagugulo ang kanilang isipan. Sabi ni Aquino, sa Lunes na niya ilalabas ang listahan at iyan ang aking tututukan. Ang mabuti sana bago ibulgar ni Aquino ang mga pangalan ng narco-politicians, sampahan na nila ng kaso upang wala nang kawala. Abangan!