Alin ang masustansiya: Manok, baboy o baka?

KAILANGAN ng katawan natin ang protina. Pero saan ba tayo makakakuha ng masustansyang protina na hindi masyadong mataba? Kadalasan, mas mababa sa taba ang mga hayop na dalawa ang paa kumpara sa apat na paa. Tingnan natin.

Hayop na dalawa ang paa:

Ang manok ay may dalawang paa at ligtas ito ka­inin. Ang turkey ay may dalawang paa rin at isa ito sa pinaka-healthy na karne. Mababa ito sa taba at puwede sa mga nagdidiyeta.

Tips: Puwedeng tanggalin ang balat para maka­bawas sa kolesterol. Mas healthy ang breast o pecho. Bawasan ang paggamit ng gravy. Sa paraan ng pag­luto, mas masustansiya ang pag-bake at pag-ihaw.

Hayop na apat ang paa:

Mas mataas ang baboy at baka sa saturated fat o masamang taba. Ang baboy ay may apat na paa at sad­yang puno ng taba, tulad ng pork chop, sinigang na baboy at balat ng lechon.

Ang baka ay mataas din sa taba. Ang mga t-bone steaks at rib-eye steaks ay maraming taba, kumpara sa mga parte na “sirloin” at “round” beef.

Tips: Sa baboy, nakahiwalay ang taba sa laman kaya mabilis itong tanggalin. Sa baka naman, naka­singit ang taba sa gitna ng laman kaya mas mahirap alisin.

Dagdag payo:

Puwede namang kumain ng karne mula sa hayop na apat ang paa (baboy, baka), pero gawin lang ito ng 1 o 2 beses kada linggo. Ang manok ay puwedeng ka­inin ng mas madalas.

Kung may sakit ka sa puso, mataas sa kolesterol o may lahi ng stroke, piliin ang karne mula sa hayop na may dalawang paa kumpara sa may apat na paa.

Pero kung gusto talaga ninyo ng pinaka-masustansya, piliin na lang ang hayop na walang paa at may kaliskis. Siyempre, ito ang mga isda, tulad ng sardinas, tilapia at bangus na punumpuno ng Omega 3, ang tinatawag na good fats.

Show comments