KUMILOS na ang US, UK at France laban sa Syria. Inulan ng mga missiles noong Sabado ng umaga ang tatlong target sa Syria na may kinalaman sa paggawa ng “chemical weapons”. Ang pag-atake ng tatlong bansa ay bunsod ng paggamit ng mga chemical weapons sa Douma. Iba’t ibang ulat ang lumalabas hinggil sa dami ng namatay, pero kumpirmado na ginamitan ng chlorine gas at sarin ang mga namatay, kabilang ang mga babae at bata. Ipinagbabawal ang paggamit ng mga “chemical weapons” sa digmaan. Ilang beses tinatalakay ito sa United Nations, pero may mga bansa na hindi pa rin sumusunod. May mga bansa na gumagawa pa rin nito, at ginagamit, partikular sa mga sibilyan bilang panakot. Hindi namimili ng biktima ang “chemical weapons”. Ayon sa US, sobra na raw ang rehimen ni Bashar al-Assad sa kanilang paggamit ng nasabing sandata, kaya sila rumesponde.
Sa mga nilabas ng CNN na imahe mula sa mga satellite, may mga natamaang gusali ang mga missile. Ang pahayag ng gobyerno ni Assad, pati na rin ng Russia ay maraming missile ang napabagsak. Maaaring totoo, sa dami ng missile na pinalipad ng tatlong bansa, bagama’t walang opisyal na bilang kung ilang missile ang pinalipad. Isang missile lang naman yata ang kailangang tumama sa target. Ayon kay US President Trump, “Mission accomplished”.
Ang tatlong bansa ay tumutulong sa mga puwersa na kumokontra sa pamumuno ni Assad, maliban sa ISIL at iba pang maliliit na grupo. Kumplikado ang nagaganap na gulo sa Syria. Maraming grupo na kontra nga kay Assad, pero kontra rin sa ilan pang grupong lumalaban. Pero kaalyado ni Assad ang Russia at Iran. Kaya hinihintay pa kung ano ang magiging kilos ni Vladimir Putin sa mga atake. Kung kailan pa naman naggigirian ang dalawang bansa, dahil sa pakikialam daw sa US election noong 2016. Nagiging magulo na nga sa United Nations, kung saan nag-aakusahan ang US at Russia. Huwag naman sana lumaki ang gulo. Tila wala nang katapusan ang labanan sa Syria. Noong 2011 pa nagsimula ang gulo. Ang problema ay pati mga sibilyan ay nagiging target ng labanan.