Napagtulungan

HANGGANG kailan sisisihin si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa sinasabing pagbura ng mga linyang­ takdang naghihiwalay sa malalaking kagawaran ng Pa­mahalaan? Alam nating lahat na ang istilo nitong ating Pa­ngulo ay strong man ang dating. Subalit hindi rin lingid sa ating kaalaman na mula sa una ay nagpamalas ito ng res­peto sa Lehislatura at Hudikatura na katuwang niya sa pamamalakad ng gobyerno.

 Mapait ang ating karanasan sa ilalim ng dating rehimeng martial law ni Pangulong Ferdinand Marcos. Sinolo nito ang kapangyarihan. Natuto tayo ng leksyon na dapat mahigpit na sundin ang pagbahagi ng puwersa – ang pambabatas sa Senado at Kongreso, ang pag­huhusga sa hukuman. Sunod sunod na Pangulo mula kay Presidente Corazon Aquino hanggang kay Gloria Macapagal Arroyo ang rumespeto sa ganitong ayos. Ang pagbantay ng mga departamyento sa isa’t isa ay mabisang lunas laban sa pagkakamal ng kapangyarihan. Kung wala nito, wala ring balanse.

 Nakumpromiso ang balanse noong binalewala ng dating Pangulong Benigno Aquino III ang respetong nauukol dapat sa Korte Suprema. Dahil sa kanyang pagkapikon sa inakala niya’y hindi makatwirang pagharang sa kanyang mga programa, binalikan niya ng harapan ang pinuno ng Supreme Court na si Chief Justice (CJ) Renato Corona. Matapos niya mapatalsik sa puwesto ang CJ sa pamamagitan ng pagpain sa mga Senador ng malaking halaga ng PDAF, lalong inapakan ang institusyon sa pamamagitan ng pagbasura sa tradisyon ng seniority sa Korte. Sa halip, ang pinaka-junior ang pinili, ito ngang si CJ Ma. Lourdes PA Sereno. Dahil sa nangyaring sabwatan ng Palasyo at ng Kongreso, na-itsa puwera ang Hudikatura.

Nasa bingit muli ang Hudikatura dahil sa nangyaya­ring pagdiin ngayon kay CJ Sereno. Subalit hindi ito dapat isisi sa Pangulo lang dahil hindi sana aabot sa puntong ito kung hindi dahil sa mismong hakbang ng mga Kongresista at pati na rin ng mismong Supreme Court na hindi pinangatawanan ang puwersa ng institusyon laban sa panghimasok. Galit man si PRRD, hindi lang siya ang kumikilos.

Show comments