EDITORYAL -‘Bakit mo kami pinabayaan?’
NANG si Hesus ay nakapako na sa krus at nagdaranas nang matinding hirap at sakit, nasabi niya habang nakatingala sa langit “Ama, Ama bakit mo ako pinabayaan?” Para bang may himig tampo siya sa Ama sapagkat hinayaan siya magdanas ng ganoon kalupit na parusa buhat sa mga tao. Hanggang sa sabihin niyang “natapos na.” Nalagutan na siya ng hininga.
Ganito rin ang maaaring sabihin o itanong ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia na ngayon ay nagpapakita na ng mga sintomas samantalang ang iba pa ay namatay na at hindi man lang nakatikim ng tulong mula sa Department of Health (DOH). Nasaan na ang sinasabi ng DOH na lahat ng ospital ay gagamutin ng libre ang mga batang binakunahan na ngayon ay nagpapakita ng sintomas. May mga ospital na hindi sumusunod sa direktiba ng DOH na gamutin ang mga batang may sintomas ng dengue na pinalubha ng Dengvaxia.
Iisa ang lumabas sa awtopsiya ng mga batang hinihinalang nagkaroon ng severe dengue, may pagdurugo sa utak, atay, at iba pang laman-loob ng biktima. Ayon sa report, 14 na bata na ang namamatay at iniuugnay ito sa Dengvaxia. Karamihan sa mga batang kinakitaan ng sintomas ng severe dengue ay tinurukan ng Dengvaxia. Kabilang sa mga batang tinurukan ay mula sa National Capital Region, Central Luzon at Region 4-A. Ayon sa mga magulang ng mga bata, hindi nila alam na babakunahan ang kanilang mga anak. Dumating na lamang umano ang kanilang anak na may bakuna na.
Noong nakaraang linggo, isang ina ang umiiyak at nagsusumbong na ang kanilang anak ay hindi tinanggap sa isang ospital sa Cavite dahil hindi umano dengue ang sakit nito. Namatay ang bata makaraan ang ilang oras. Sinisisi ng magulang ang ospital sa kamatayan ng anak.
Kailan kikilos ang DOH sa mga ganitong kaso, kapag marami nang namamatay na bata? Kastiguhin ang mga ospital na hindi inaasikaso ang pasyente. Ang tungkulin niya ay magligtas kaya hindi dapat pabayaan ang mga batang na-Dengvaxia.
- Latest