NGAYON lang nakapag-isip ang Department of Health (DOH) --- kung kailan mayroon nang mga namatay sa Dengvaxia vaccines – na magkaroon ng “one-stop express lane” sa mga hospital. Noong Nobyembre pa nang nakaraang taon inamin ng Sanofi Pasteur na magkakaroon ng severe dengue ang mga batang naturukan ng Dengvaxia na hindi pa nagkakasakit ng dengue. Nasa 870,000 na mga bata ang naturukan ng Dengvaxia sa National Capital Region, Central Luzon at Region 4.
Nagpanic ang mga magulang ng mga batang nabakunahan. Kahit sinabi ng DOH at Malacañang na hindi dapat mag-panic ang mga magulang, hindi ito nakapangyari. Sino ba namang magulang ang hindi magpa-panic kung nasa katawan ng anak ang bakuna na magpapalubha pa pala sa dengue.
Lalo nang nagpanic ang mga magulang nang mayroon nang namatay na mga bata at iniuugnay ang Dengvaxia. Nakitaan ng pagdurugo sa utak at lamanloob ang mga bata. Ayon sa report, umabot na umano sa 49 na bata ang namatay. Ang mga ito ay binakunahan noong Abril 2016 sa ilalim ng immunization program ng Aquino administration. Nagkakahalaga ng P3.5 billion ang Dengvaxia vaccines.
Mula nang aminin ng Sanofi na magkakaroon ng severe dengue ang mga naturukan, agad ipinatigil ng DOH ang immunization. Kasunod niyon ay ang paghingi ng full refund sa naibayad sa Sanofi pero ayaw pumayag ang pharmaceutical company. Hanggang ngayon, nagmamatigas pa ang Sanofi.
Dapat noon pang nakaraang taon, nagkaroon ng “express lane” sa mga ospital ang mga nabakunahan ng Dengvaxia. Kung kailan marami nang nagpapakita ng sintomas saka nagkukumahog ang DOH. Kung kailan pumapalahaw na ang mga magulang sa paghingi ng tulong kung saan ipagagamot ang kanilang mga anak.
Sana, ang mga ospital na pagdadalhan sa mga biktima ng Dengvaxia ay sumunod sa kasunduan na gagamutin nila ang mga biktima at walang babayaran ang mga ito. Ayon sa report, PhilHealth ang sasagot sa magagastos ng biktima. Bantayan ng DOH ang mga ospital at baka mapaglalangan ang mga magulang.