Ayon kay Chief Supt. Joselito Vera-Cruz, magdadalawang-isip na ang mga “rogue cops” o “scalawags” na gumawa ng kalokohan dahil dumoble na nga ang kanilang sahod. Malaki daw ang mawawala sa kanila kung masasangkot pa sa kalokohan o kriminalidad. Halos tatlumpung libong piso kada buwan ang matatanggap na nila. Malaki nga naman. Tila lumalabas na kaya dinoble ang sahod ng mga bagitong pulis o mga PO1 ay para nga hindi na gumawa ng kalokohan. Ibig sabihin, noong maliit pa lang ang sahod, ang naiisip lang ng mga pulis para kumita ay masangkot sa kalokohan. Kaya dinoble ay para tumigil na sila? Kung ganun, dapat pala gumawa ng kalokohan lahat ng empleyado ng gobyerno, tulad ng mga guro, para dumoble rin ang kanilang sahod?
Kung si Napolcom Vice Chairman Atty. Rogelio Casurao ang tatanungin, hindi dahil dinoble na ang sahod ng mga pulis ay magiging mabait na sila. Kung talagang nasa pagkatao ang maging masama, walang magagawa ang pagdoble ng sahod. Sang-ayon ako diyan. Sa totoo nga, dahil makakatikim na ng masarap na buhay sa pagdoble ng sahod, baka duma-ting ang panahon na hindi na rin makokontento at magnanasa pa rin ng mas malaking kayamanan. Paano pala kung mga tiwaling pulis na hindi pa nahuhuli ay kumikita na ng malaki, ano pala ang tulong ng pagdoble ng sahod sa kanila kundi dumami lang ang kanilang pera?
Nasa tao talaga kung magiging mabuti o masama, kabilang ang mga pulis. Ayon kay Casurao, sa pagtanggap pa lang para maging pulis ay dapat alam na nila ang pagkatao. Hindi rin daw nakakatulong na kahit mabait nga ang pulis, kapag ang mas mataas sa kanya ay tiwali, makakain na rin ng masamang sistema.
Alam ko may mga pulis na tapat sa trabaho. Ang pagdoble o pagtaas sa kanilang sahod ay malaking tulong sa moral nila, bukod sa tulong sa pang-araw-araw na gastusin at pagkakaroon ng magandag buhay. Masaya ako para sa kanila. Sana nga ay mas mabuti magtrabaho sa pagbigay ng serbisyo at proteksyon sa publiko. Pero kailangan matukoy ng PNP ang masasamang damo sa kanilang hanay. Mga wala talagang karapatang maging pulis dahil masama nga ang pagkatao. Marami pa rin diyan. Noong Huwebes, handa na raw sibakin ni Pangulong Duterte ang tatlong heneral sa PNP, at pitumpung pulis dahil sa korapsyon. Maliit na bilang pa iyan.