EDITORYAL - Dumami pa ang drug addicts
NAKAKATAKOT na ang ibinubunga ng pagkasugapa sa shabu. Wala nang kinikilala ang drug addict na maski ang sariling ina ay tangkang gahasain. Nangyari ang tangkang panggagahasa sa Bgy. Pasong Tamo, Quezon City. Ayon sa ina ng suspect, nagising siya nang maramdamang katabi ang kanyang anak na 17-taong gulang at hinihipuan siya. Sinigawan niya ang anak pero naglabas ito ng patalim at tinutukan siya. Tinadyakan umano ng ina ang anak na ikinabuwal nito. Nagtatakbo palabas ang ina at nakahingi ng saklolo sa barangay.
Inaresto ang drug addict na anak. Ang masakit na nalaman ng ina, pati pala ang bunso niyang anak na babae ay ginahasa ng addict na kuya. Inamin naman ng addict na nagsa-shabu siya. Wala raw siya sa sarili habang ginagawa iyon. Humihingi siya ng tawad sa ina at sa kapatid na ginahasa.
Dahil menor de edad ang suspect, inilagay siya ng mga pulis sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Grabe na ang nangyayaring ito na dahil sa pagkasugapa sa shabu, pati ina at kapatid ay pinagsasamantalahan. At ang nakaka-shock pa, masyadong bata pa ang addict. Menor de edad pa siya pero sunog na sunog na ang utak sa shabu. Masyado nang naluto ang kanyang utak at maski ang ina ay gustong gahasain.
Kailangan pa ang matinding kampanya ng PNP at PDEA laban sa droga. Ang PDEA mismo ang nagsabi na 15,772 barangays ang kontaminado sa droga. Walang pagbabago at tila nadadagdagan pa ang mga barangay na kontaminado ng droga. Kailangang malaman ng PNP at PDEA ang pinagmumulan ng shabu. Bakit hindi ito maubus-ubos? Kahit pa araw-araw ay may mahuling pushers, kung patuloy naman ang dagsa ng shabu mula sa ibang bansa, balewala rin ang kampanya. Dapat malaman kung saan nanggagaling ang droga at ito ang sawatain. Nakakatakot na ang epekto ng shabu – lalo sa kabataan.
- Latest