‘Kuwidaw sa mga online travel promo’
NAGBIBIGAY ng babala ang Department of Tourism hinggil sa mga travel and tours agency na nakikipagtransaksiyon lamang online. Halos lahat ng mga ito, walang lehitimong business permit at hindi rin sila accredited ng DOT. Kuwidaw dahil dorobo ang mga tanggapang ito!
Marami na nga raw natatanggap na reklamo ang ahensiya laban sa iba’t ibang online travel and tours agency. Kinumpirma ito ni Rica Bueno, ang Director for Tourism Standard and Regulation ng DOT. Ang patibong sa mga biyaherong biktima, mura o mababang presyo na travel and tour promo package. Karamihan daw sa mga pekendos na ito, naglipana sa mga social media tulad ng Facebook at Instagram.
Tulad nitong “Feliz Viaje”, kaganda ng pangalan, “happy voyage” kung ita-translate sa Ingles, aakalain mong lehitimo.
Tatlong magkaibigan ang nabiktima ng Feliz Viaje dahil sa halagang P40,500 ay makakapasyal na sana sila sa Singapore ng apat na araw. Ang siste, matapos makapagbayad ng tatlo, napako ang ipinangakong ticket voucher at itinerary ng mga pobre. Naunsiyami ang pinlanong bakasyon sa Singapore ng magkakaibigan.
Nagsagawa ng on the spot investigation ang Kilos Pronto at nadiskubreng wala ngang lehitimong lisensiya para magnegosyo ang Feliz Viaje.
Wala rin sa talaan ng DOT ang pangalang Feliz Viaje bilang accredited na ahensiya. Sa madaling salita, naloko ang magkakaibigan.
Babala ng DOT at ng BITAG, huwag basta magtiwala sa magagandang pangalan ng mga tanggapan at magpasilaw sa abot-kayang presyong travel packages ng mga ito. Makabubuting alaming maigi kung lehitimong tanggapan ang inyong mga katransaksiyon. Bisitahin ang kanilang opisina at tingnan kung may license to operate na karaniwang naka-display sa reception ng establisyamento.
Humingi ng official receipt (O.R) sa tuwing magbabayad. Huwag makipagkita kung saan-saang fast food o mall lamang, ganito kumilos ang mga manggagantso. Bisitahin ang website ng Department of Tourism para makilala ang mga lehitimong travel and tours agency na puwede niyong lapitan sa mga plano ninyong bakasyon.
Tandaan, ang katamaran ay kapatid ng katangahan na siguradong magdudulot ng problema pagdating ng araw.
- Latest