NANG HOLD-UP ng taxi ito ang isa sa mga ibinibintang sa labing siyam na taong gulang na binata na si Carl Angelo Arnaiz kaya nauwi sa engkwentro laban sa mga pulis.
Ayon sa pamilya ni Carl sampung araw itong nawawala matapos na umalis noong ika-17 ng Agosto 2017 para bumili ng meryenda kasama ang pinsang labing apat na taong gulang ngunit hindi na ito nakauwi.
Sa isang madamong bahagi sa C-3 natagpuan ang walang buhay na katawan ni Carl.
Tulad nang nangyari kay Kian delos Santos ay nagsasagawa din ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Carl.
Sa kwento ng mga pulis nanlaban daw itong si Carl kaya napatay ng mga pulis.
Sinabi ng Caloocan Police na nang hold-up itong si Carl ng isang taxi sa Navotas bandang alas tres y medya ng ika-18 ng Agosto 2017.
Pinangalanan ang taxi driver na si Tomas Bagcal, tinutukan daw siya ng baril at kinukuha nito ang kanyang wallet.
Nakarating sila sa C-3 sa Caloocan at dun siya nakakita ng pulis na pwedeng mahingan ng tulong. Pinaputukan daw ni Carl sina PO1 Jefrey Perez at PO1 Ricky Arquilita.
Sa police report na may petsang Agosto 30, 2017 nakitaan daw ng dalawang sachet ng marijuana sa kanyang bulsa at tatlong sachet ng hinihinalang shabu sa dala nitong backpack.
Nagbigay din ng salaysay ang taxi driver ngunit may hindi pagkakatugma sa mga impormasyon na ibinigay nito.
Sa una nitong salaysay noong ika-18 ng Agosto sinabi ng driver na nagdeklara ng hold-up si Carl nang makarating sila sa barangay hall ng Barangay 28.
Sa pangalawa nitong salaysay ibang lugar naman ang kanyang binanggit. Sa bandang C-3 road daw ito nagdeklara ng hold-up.
May iba pang detalye ang hindi nagkatugma sa unang salaysay ng driver. Sa una niyang salaysay ay tinanong si Bagcal kung nakikilala niya ang suspek ngunit sumagot ito ng hindi.
Wala nang ibang detalye pa itong ibinigay pero sa pangalawa niyang salaysay ay nagbigay siya ng deskripsyon kung ano ang suot ng nang hold-up sa kanya.
May nabanggit din siyang ‘mga’ suspek sa una niyang salaysay na iba sa pangalawa niyang salaysay na ang isinagot niya ay isa lang ang akusado.
Marami pang kailangang mas busisiin sa salaysay ng testigo. Kinakailangan na mas maging malinaw ang lahat ng kanyang sasabihin dahil kung totoong si Carl nga ang nang hold-up sa kanya ay siya lamang din ang magbibigay ng linaw sa kaso.
Sumailalim sa autopsy ang katawan ni Carl at nakita na nagkaroon siya ng limang tama sa may bandang dibdib papuntang tiyan at may mga pasa din ito.
Ayon kay Dr. Jocelyn Cruz na nagsagawa ng autopsy sa bangkay ni Carl mukhang hindi daw makakalaban ng ganun-ganun lang itong si Carl. Ang tama ng baril sa kanyang katawan ay may indikasyon na nakatayo ang bumaril dito.
Pataas ang mga tama ng bala kaya may mga anggulo ding tinitingnan kung paano napatay si Carl.
Nagbigay din ng pahayag si Dr. Erwin Erfe ang chief ng PAO forensic laboratory services na nagkaroon ng indikasyon na na-torture ang binata. Malalalim daw ang gasgas nito at mukhang kinaladkad at binugbog pa.
Magang-maga din daw ang mata nito at nakakita din sila ng palatandaan na pinosasan ito.
Sa trajectory ng bala sa katawan ni Carl ay nakaluhod o nakahiga nang barilin.
Isa bagay lang din, nakapagkwento pa sa mga pulis ang taxi driver at nahuli pa nila at napatay ang binata. Kung ang ibang mga holdaper diyan na matagal nang gawain ang ganyan ay hirap na hirap mahuli ng mga pulis dahil sobrang ilap.
Maabilidad sila kung saan magsusuot at tatago para matakasan lang ang mga pulis. Sa kaso ni Carl nagkaroon pa ng pagkakataon ang biktima na makapagsalaysay sa mga pulis bago pa ito mahuli.
Nagpositibo sa gunpowder nitrate si Carl ngunit hindi ibig sabihin na dahil nagpositibo siya ay nagpaputok na siya ng baril.
Naalala ko si dating NBI director Epimaco Velasco nung ipinaliliwanag niya na magsindi ka lang ng posporo na papunta sayo ang pulbura pwede na magpositibo ang kamay mo sa powder nitrate.
Sana naitago ang suot niyang mga damit dahil kapag ika’y nagpaputok ng calibre 45 maaaring tumalsik din yan sa suot mo.
Ipinakita rin ni Senator Bam Aquino na kahit hindi siya abogado kahit anong pilit niya dahil sinabi niya ng medical expert ng PAO at pati na rin ng NBI na ang mga pulis na ito ay guilty, hindi ganun yun, kakalapin lahat yang mga testimonial, documentary, evidentiary, forensic na mga pieces of evidence at tanging ang Judge lamang ang maaaring manghusga na guilty sila kasi kung sa isang Senate Inquiry pa lamang na guilty na ang mga akusadong pulis edi hindi na kinakailangang maglitis.
Aminin natin na may mga pulis na tiwali ngunit marami pa ding mga pulis na sumusunod sa tamang paraan at kung ano ang dapat nilang gawin.
Marami na ang nababahala dahil ang mga napapatay nitong mga nakaraan ay puro kabataan na mula menor de edad hanggang bente anyos lamang.
Marami sa mga kakilala ni Carl na nagsasabing hindi ito sangkot sa iligal na droga.
Sa ngayon ay nasibak na sa pwesto ang dalawang pulis.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.