KUNG nahirapan kayong kumuha ng passport noon, iba na ngayon dahil mabilis nang makukuha ngayon. Nagbukas ng libong appointment slots ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa passport application at renewal matapos magsagawa ng ilang pagbabago ang DFA. May 94,350 karagdagang slots na binuksan mula Hulyo hanggang Agosto ayon kay Assistant Secretary Frank Cimafranca ng Office of Consular Affairs, samantalang libo pa ang binuksan kahapon, para sa mga appointment sa Setyembre.
Ayon kay Cimafranca, nadadagdagan ng 62,450 slots ang mga appointment na binuksan noong nakaraang buwan matapos pataasin ng DFA ang appointment quotas ng bawat consular office, samantalang ang natitirang 31,900 ay nanggaling naman sa pagtatanggal at pagsasaayos ng mga bogus appointment na gawa ng mga mapagsamantalang indibidwal. “Ang nais natin ay ang makapagbigay ng mas mabilis at epektibong serbisyo sa mas maraming tao, kaya kinakailangan nang maisaayos ang mga slot,” ayon kay Cimafranca.
Ang karagdagang slots ay katumbas din ng karagdagang empleyado na mangangasiwa sa pagproseso ng mga dokumento. Mukhang natumbok ni Cimafranca ang pangangailangan ng sambayanan kasi bukod sa maraming mabibigyan ng trabaho sa naturang ahensya makakatulong pa ito sa pagkuha ng passport na kailangan ng mamamayan na nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa.
Halimbawa nito ay ang opisina ng Aseana na pangunahing nagpoproseso ng passports sa DFA. Nagdagdag ng mga kawani rito at nagresulta sa 73.6 porsyento na pagtaas sa kapasidad na tumanggap at mag-proseso ng mula 1,900 hanggang 3,300 appontment. Napaaga rin ang schedule ng 900 appointments dahil sa karagdagang manggagawa. Nagresulta ito sa pagbaba ng bilang ng suspended applications mula 33,000 noong Agosto 2 hanggang sa zero sa pinakahuling tala noong Agosto 18.
Upang maiwasan ang pagkasayang ng slots, nagpalabas ng paalala si Cimafranca para sa senior citizens, persons with disabilities, solo parents, mga buntis at menor de edad (7 taong gulang pababa) na pwede kayong pumunta ng DFA kahit walang appointment kung nais magpa-renew o mag-apply ng passport. Maaari na ninyong gamitin ang courtesy lane, magpakita lamang ng valid IDs.
Ipinaaalala ni Cimafranca sa publiko na libre ang appointment slots kaya hindi na dapat makipagtransaksyon sa fixers. Get n’yo mga suki?