Pekeng kasal

(Huling Bahagi)

ISANG document examiner din ang tinawag upang patunayan na peke ang pirma sa kontrata ng kasal. Base sa mga nabanggit, nagdesisyon ang korte pabor kay Ruth at ipinag-utos na kanselahin/itama ang mga detalye ng kontrata ng kasal.

Kinuwestiyon ng Republika ng Pilipinas ang desisyon ng korte. Ayon sa kanila, hindi basta error ang babaguhin dahil ang taong humarap at nagpakilala na siya si Ruth ang nagsumite ng mga impormasyon ng kasal. Dagdag pa rito, sa gagawin ng korte na pagkansela sa lahat ng impormasyon patungkol sa misis ay para na rin pinawalambisa ng korte ang kasal sa Cebu na hindi basta magagawa sa simpleng petisyon alinsunod sa Rule 108. Tama ba ang Republika ng Pilipinas?

Mali. Kahit pa mabibigat na pagkakamali sa civil re­gistry ay maitatama sa pamamagitan ng petisyon sa ilalim ng Rule 108 basta’t mapapatunayan ang katotohanan sa tamang paraan.

Sa kaso ni Ruth, napatunayan niya na hindi siya kailanman nagpakasal at wala siyang kamalay-malay sa kasal na naganap. Ang pagpapatunay ng mga testigo pati na ang ebidensiyang isinumite ay sapat upang ideklara na ang tanging ebidensiya ng kasal – ang kontrata ay peke. Kahit pa sabihin na hindi puwedeng gamitin ang Rule 108 para mapatunayan ang legalidad ng kasal, ang paglilitis sa korte ay hindi rin puwedeng isantabi dahil lahat nang sangkot ay binigyan ng pagkakataon para kuwestiyunin ang mga paratang ni Ruth. Ayon din sa records, sinunod ang mga proseso at lahat nang ebidensiya ay tinanggap at masusing pinag-aralan ng husgado. Hindi hinahabol ni Ruth ang pagpapawalambisa ng kasal dahil wala naman talagang kasal na naganap, kung tutuusin. Ang gusto lang niyang mangyari ay itama ang mga record ng kasamiyento ng kasal para ipakita ang katotohanan na inilahad ng ebidensiya. Sa ipinag-utos ng husgado na pagkansela at pagtatama sa record ng kasal patungkol sa misis, hindi kailanman ipinag-utos ng korte na walang bisa ang kasal dahil nga wala naman talagang kasal na pinag-uusapan (Republic of the Philippines vs. Merlinda L. Olaybar, G.R. No. 189538, February 10, 2014).

 

Show comments