ANG baril na ginamit ni David Lim Jr. kay Ephrain Nuñez ay wala sa pangalan niya, kaya ang tingin ng PNP ay “loose firearm” ito. Kung si David Lim Jr. ang tatanungin, hindi raw niya alam kung nasaan ang baril. Kaya ang kasong isinampa sa kanya ay “illegal possession of ammunition” kasi wala namang baril na maipakita. Totoo ito. Mabuti na lang ay may video ng insidente kung saan kitang-kita na namaril si Lim. May pabuya naman daw si Lim na P300,000 sa kung sinoman ang may video ng buong pangyayari, para mapatunayan na ipinagtanggol lang niya ang kanyang sarili. Pero siya nga ang namaril, at wala namang baril, walang patalim, walang sandata ang kanyang biktima. Ngayon, lumalabas na maaaring hindi lisensiyado ang baril.
Itinanggi naman ni Bong Go, ang Special Assistant to the President, na kilala niya ang pamilyang Lim. Lumabas kasi na si Go ang tumulong para sumuko nang maayos at ligtas si David Lim Jr., at ang tingin nga ng iba ay para “maalagaan” habang hawak ng mga pulis. Hindi nga ikinulong tulad ng ordinaryong suspek, at hindi nga alam ng Cebu City police chief na sumuko na pala. May kilala pala ang pamilyang Lim na kilala si Bong Go, kaya nahingan ng tulong. Sabi rin ni PNP chief Gen. Ronald dela Rosa ay normal lang daw na humingi ng tulong kay Go para sa pagsuko ni Lim. Kawawa naman ang biktima walang kilala. Siya na nga ang nabaril, siya pa ang walang matawagan. Ngayon binabantayan pa ng dalawang pulis na armado habang nasa ospital. May banta na ba sa buhay niya? May mga testigo na ring handa nang magbigay ng testimonya, basta bigyan lang daw ng proteksyon. Mukhang lahat ng may kinalaman sa insidente ay humihingi ng proteksyon. Bakit kaya? Mas kawawa talaga ang biktima.
Hinahanap na rin pala ang babaing kasama ni Lim nang maganap ang pamamaril, at sasampahan din umano ng kaso. Ayon kay Mayor Tomas Osmeña, kakukuha lang daw ng Bar exams ng babae. Hindi yata maganda ang simula ng kanyang karera bilang abogado. Hindi pa nga nagsisimula ay nasasangkot na sa kaso. Sana lumutang na rin para magbigay ng sinumpaang pahayag. Ano ang ikatatakot niya kung wala naman siyang ginawang mali, hindi ba? O baka naman hindi na pinalulutang dahil mas makakasama sa isang kampo?