Bago pa si Pres. Digong Duterte, si dating Health Sec. Juan Flavier ang unang nagpahinto ng paninigarilyo sa ating mga kababayan. At nauso nga noon ang kasabihang “yosi kadiri” dahil na rin sa dami ng sakit na nakukuha rito tulad ng cancer, stroke at iba pa. Noong nakaraang administrasyon pumasa ang panukalang kailangang ilagay sa mga kaha ng sigarilyo ang mga sakit na dulot nito, pero parang hindi pumatok sa mga taong nagyoyosi dahil naglipana pa rin sa mga pampublikong lugar ang mga taong naninigarilyo.
Ngayon, sa kasalukuyang administrasyon, magagawa kaya ni President Digong sa buong bansa ang ginawa niya sa Davao City? Kamakailan lang naglabas ng Executive Order (EO) na bawal manigarilyo sa loob ng mga gusali. Puwede rin namang manigarilyo sa tahanan at sa mga lugar na malayo sa mga tao sapagkat masama ang tinatawag ng second hand smoke. Mas masahol pa ito sa mga nagbubuga ng usok kapag nalanghap ng mga hindi naninigarilyo.
Nung aking kabataan ako’y naninigarilyo rin dala ng aking trabaho sa diyaryo na inaabot ng hatinggabi. Pero aking napagtanto na wala palang magandang dulot ang sigarilyo sa katawan kaya agad kong inihinto at mula noon hindi na ako nanigarilyo. Marami sa atin ang nagsasabi na ititigil na nila ang paninigarilyo pero dala na rin ng kapaligiran o mga tao sa paligid, mahirap paniwalaan ito sapagkat ang sigarilyo ay self addicting tulad ng droga.
Mabuti na lang nagkaroon tayo ng Health secretary na tulad ni Flavier, isang tunay na tao na naglingkod sa ating gobyerno. Ang kanyang layunin ay tumulong sa ating mga kababayan na iwasan ang paninigarilyo dahil ang gusto niya ay maging malusog ang bawat Pilipino. Sa pagkakaalam ko, hindi kalakihan ang suweldo ng isang kalihim.
Sana matupad ni President Digong na mapahinto o mabawasan man lang ang mga taong naninigarilyo sa ating bansa.