SA mga nakakarami ang akala nila ay ganun na lang kadali kung pag-usapan ang seguridad at peace and order sa katimugan gayong hindi lang iisang kalaban o tinatawag na threat group ang kailangang harapin ng ating mga otoridad.
Ang problemang dulot ng mga threat groups na ito ay matagal nang alam at dama ng mga Mindanaoan.
Hindi gaya ng ibang lokalidad na ang kanilang problema ay ang mga tinatawag na kriminal na walang pakundangan na naghahasik ng krimen.
Totoong ang mga kriminal ay natatagpuan sa halos lahat ng bahagi at kasuluk-sulukan ng ating bansa.
Sinasabing ang mga kriminal ay mas marami sa mga urban areas gaya ng Metro Manila at Metro Cebu.
Ngunit ito rin ang dapat isa-isip nang marami -- ang pangkasalukuyang sitwasyon sa Mindanao.
Nasa Mindanao na ang karamihan ng threat groups na pinuproblema ng mga awtoridad.
Kung krimen ang pag-uusapan, meron din niyan ang Mindanao.
Ngunit isa pang problema ng Mindanao ay yung dulot ng mga rebeldeng grupo gaya ng New People’s Army.
Tinatayang ang pinakamalaking base ng NPA ay nasa timog Mindanao.
At nandiyan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na hanggang ngayon ay umaasa pa ring makasundo na ang pamahalaan sa isang final peace agreement.
Ang MILF ay may break-away armed group na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na parating nakakasagupa ng government troops sa Central Mindanao.
At kahit paano nandiyan ang mga bandidong grupo na maya’t maya ay umaatake rin sa iba’t ibang komunidad sa Mindanao.
Nandyan ang Moro National Liberation Front (MNLF) fighters na kahit paano ay buo pa rin ang kanilang mga sinasabing military units kahit na nagkapirmahan na ng final peace accord noong 1996.
At ang Maute group ang naging problema sa Northern Mindanao. Sila ‘yung mga sinasabing may koneksyon sa ISIS international terrorist group.
Nawala ang Jemaah Islamiyah international terrorist group na dating malakas ang presensiya sa Mindanao at pinalitan ng Maute-group na may kinalaman sa ISIS.
At higit sa lahat ay ang hindi pa rin nareresolbang problemang dulot ng Abu Sayyaf kidnap-for-ransom group na kamakailan lang ay pinugutan nila ng ulo ang German hostage dahil nga sa kabiguan nitong makapagbayad ng ransom.
Subalit sa mga problemang kinakaharap ng Mindanao, ito ay nananatiling napakagandang isla pa rin.
Walang kasingganda ang iba’t ibang kultura at tradisyon ng mga mamamayan dito sa Mindanao.
Kaya umaasa at nagdarasal pa rin kaming mga Mindanaoan na balang araw ang isang just at lasting peace ay amin na ring makakamtan.