SUKO na ang taumbayan sa mga nangyayaring corruption sa pamahalaan. Parang kanser nang walang lunas. At suko na rin sila sa mga pagwawalambahala at pangako ng mga inihalal ng taumbayan na lulutasin ang corruption. Pawang pangako lang ang mga lingkod bayan at walang ginagawa para maparusahan at mapatalsik ang corrupt. Kaya hindi masisisi ang mamamayan kung mawalan ng tiwala sa mga namumuno. Sa mga nakaraang administrasyon, namayagpag ang corruption sa pamahalaan at walang matandaang may sinibak na opisyal na agad-agaran.
Kaya naman nagulat ang mamamayan nang sibakin ni President Rodrigo Duterte ang hepe ng National Irrigation Administration (NIA) na si Peter Laviña dahil sa isyu ng corruption. Ito na ang ikalawang pagkakataon na may sinibak na government officials si Duterte. Ang una ay ang dalawang Immigration officials na sangkot sa extortion. Ang dalawang Immigration officials ay mga ka-frat pa niya. Iniimbestigahan pa sa Senado ang dalawang Immigration officials na tumanggap ng milyones na suhol.
Ngayo’y ang NIA administrator naman ang sinibak ng Presidente. Sabi niya sa talumpati nang unang ihayag na mayroon siyang pinagre-resign na opisyal, huwag daw siyang hihiyain ng kanyang mga ini-appoint sapagkat maghihiwa-hiwalay sila. Una na raw niyang sinabi na hindi niya ito-tolerate ang mga kaalyado o kaibigan na gagawa ng corruption. Ayon sa report, humihingi umano ng 40 percent kickbacks si Laviña mula sa contractors. Ganunman, masakit din para kay Duterte ang pagkakasibak kay Laviña sapagkat matagal silang magkasama sa trabaho noong siya pa ang mayor sa Davao City.
Ang mabilis na aksiyon sa pagsibak sa nakagawa ng corruption ay ikinatutuwa ng mamamayan. Sawang-sawa na ang tao sa mga corrupt na opisyal kaya nagbibigay ng pag-asa ang mabilis na aksiyon ni Duterte sa NIA administrator. May nakikita ang mamamayan na mawawakasan na rin ang pamamayani ng mga “buwaya”.