Hindi matatawag na rigodon ang nangyaring pagsibak sa lahat ng mga Senador na kasapi ng Liberal Party. Ito ay isang “masaker.” Malinaw na “coup d’etat”.
Nawalan nang posisyon bilang Senate Protempore si Sen. Frank Drilon, habang hinubaran ng chairmanship ng komite ang lahat ng mga Liberal. Para kay Senator Bam Aquino, “nasampolan” ang mga senador na tutol sa ilang polisiya at panukalang batas na isinusulong ng administrasyon kaya tuluyan silang tinanggalan ng committee chairmanship kahapon. Inalis kay Aquino ang Senate committee on education arts and culture at ibinigay kay Senator Francis “Chiz” Escudero.
Ayaw kong isipin ang isang grim scenario, ngunit tila ito’y pahimakas ng one party rule para ang maghari sa lehislatura ay pawang kapartido at kakampi ni Presidente Duterte. Nangyari ito habang sa Kamara de Representante ay nagbababala si Speaker Pantaleon Alvarez sa lahat ng mga tutol sa death penalty bill na magsipagbitiw sa mga hinahawakang komite. Nasaan na ang mga fiscalizer? Nasaan na ang tinatawag na check and balance para manatili ang demokrasya sa pamamalakad ng pamahalaan?
Bilang tradisyon, talaga namang mas maraming kakampi ang sino mang Presidente ng bansa sa House of Representative. Pero kung tuluyang magiging ordinaryong mambabatas na lamang ang mga kasapi ng Senado at Mababang Kapulungan, parang wala nang silbi ang oposisyon. Wala nang puwedeng kumuwestyon sa mga irregular na panukala.
Ang nangyari bang pagpapatalsik sa mga members ng Liberal Party ay ginawa dahil hindi sila epektibo sa puwestong hinahawakan, o sila ba ay hadlang sa mga panukalang isinusulong ng administrasyon kahit ang mga ito’y kuwestyonable?
Kaya may nag-iisip na ito ay isang uri ng dictatorial power para kay Presidente Duterte kung bawat naisin niyang ipatupad sa bansa ay wala nang ubrang tumutol. Alam nating lahat ang matinding pagsalungat ng oposisyon sa nangyayaring extra judicial killings. Kaya kadudaduda ang nangyari sa Senado na pahimakas ng isang scenario ng one-man-rule.