Si Inay ang Makata

Ang durungawan ko ay munting bintana

Na doo’y tanaw ko ang langit at lupa

Sa mumunting silid sa lungkot sagana

Na ang tanging yaman ay papel na luma

 

Ibat ibang papel ang sinusulatan

Ng  matandang plumang pamana ni Inang

Mabait kong ina nang biglang nawalay

Biglang nag-iba ang kulay ng buhay

 

At ang masakit pa marunong kong ama

Hindi na nagisnan ng buhay kong aba

Kaya naiisip kung siya’y buhay pa

Hindi magdarahop at ako’y masaya

 

Ang mga kapatid na limang lalaki

Hindi na kapiling sa pamimighati

Ang tanging naiwan nag-iisang ate

Malayo ang bahay sa nayon nagpirmi

 

Kaya anong yaman at ano ang layaw

Na sa lupa’t langit laging tinatanaw

Wala na nga wala kundi hirap lamang

Ng diwa at puso kung gabing mapanglaw

Show comments