Pagtula ko ngayon ay parang kupas na
Dahil sa mahabang panahong nawala
Hindi ko makamit ang dating ligaya
Na noong kabataan ay laging kasama.
Kahit pagbalikan ang batang kahapon
Ayaw nang magbalik sa diwa ko ngayon
Malakas na hangin na nagdaan noon
Naging mga bagyong sa bansa’y nagbaon.
Ang hangin at ulang hindi humihinto
Nagsilbing parusa sa diwa kong bigo
At kung ibabalik nagdaang baligho
Wala na sa diwa at lalong lumayo.
Hinahanap ngayon ang dating diwata
Na laging kapiling kapag kumakatha
Di na mahagilap liwanag ng diwa
At waring sumama sa pusong may luha
Magbalik pa kaya ang dating kahapon
Na ang puso’t diwa busog sa panahon
Ang ulan at bagyo na nagdaan ngayon
Panahong kaiba sa panahon noon.