ANG aksiyon at drama ng daigdig ng sports ay magaganap sa labas ng stadium, hindi sa loob. Ito ang pahayag para sa 2017 ng mga eksperto. Kakailanganin ng international sports officials linisin ang imahe ng mga kompetisyon.
Una na rito ang International Olympics Committee (IOC). Dapat kumbinsihin nito ang pandaigdigang publiko na kaya pa nito pamahalaan ang tuwing apat na taon na paligsahan. Nasira ang IOC sa paurong-sulong na desisyon nito laban sa pagdodroga mismo ng gobyerno nila sa mga atletang Russians. Gaano karami pang klase ng sports, na nilalahukan ng libu-libong atleta mula sa daan-daang bansa, ang nagtatahimik lang sa sabwatan ng manlalaro at opisyales sa pagdo-droga? Kung hindi ito maipaliwanag, mawawalan ng saysay ang esensiya ng palakasan batay sa galing, liksi, talas ng utak, at pagsasanay.
Nariyan din ang isyu ng sobrang mahal ng gastos ng siyudad at bansa na nagho-host ng Olympics. Daan-daang libong dolyares ang ibubuhos sa pagtatayo ng stadiums at infrastructures sa Tokyo para sa 2020 Games. Hindi mababawi ang puhunan. Nanlupaypay ang ekonomiya ng Rio de Janeiro at Brazil sa pag-host nu’ng 2016; palpak ang mga pasilidad, at ikinabagsak ng Presidente nila ang sinapit na karalitaan. Ganunpaman, tatlong siyudad -- Los Angeles, Paris, at Budapest -- ang handang maglustay para sa 2024 Olympics. Sa Setyembre malalaman kung sino sa kanila ang panalo sa bidding.
Dapat din patunayan ng FIFA (International Football Federation) na nalinis na nito ang pamunuan. Nasangkot ang pinaka-matataas na opisyales nito sa suholan ng global advertisers. Nakakahiya na promotor sila sa pangunguwarta sa sports. Lilitisin na ang mga nasangkot simula sa Nobyembre. Samantala, magpapasya ang European Commission kung labag sa “free competition” ang paglipat-lipat ng FIFA ng manlalaro.