PORMAL na magprotesta laban sa anumang pambu-bully ng Beijing sa West Philippine (South China) Sea. ‘Yan ang payo ni Supreme Court Senior Justice Antonio Carpio. Kung hindi tayo umangal, aniya, ikakatuwiran ng Beijing na pumayag tayo sa ginawa nila. Halimbawa nito ang paglagay ng Beijing kamakailan ng anti-aircraft at anti-missile systems at iba pang armas sa pitong bahura na ginawa nitong artipisyal na isla. Ang pito ay sakop ng 200-mile exclusive economic zone at dagdag na 150-mile extended continental shelf ng Pilipinas, kaya saklaw ng hurisdiksiyon ng Pilipinas. Pinasya na ng United Nations arbitral court nu’ng Hulyo na Pilipinas lang ang maaaring magtayo ng pasilidad sa naturang pitong bahura.
Para naman kina President Rodrigo Duterte at Foreign Sec. Perfecto Yasay, walang saysay magprotesta. Kasi, sa lakas ng militar ng China, hindi naman kaya ipatupad ng Pilipinas ang nararapat. Ni hindi nga pinansin ng dambuhalang bully na China ang UN court. Kaya para kina Duterte at Yasay, daanin na lang sa usapan ng dalawang panig, pero iwasan ang UN ruling hanggat lumakas na ang Pilipinas.
Abogado silang tatlo. Si Duterte ay dating criminal prosecutor, si Yasay ay corporate counsel, at si Carpio ay constitutionalist. Pero naghasa rin ang huli sa foreign relations at international maritime law. Para sa kanya, dapat idaan lahat sa pormalidad ng batas pandaigdig. Miski mahina ang militar ng Pilipinas kumpara sa China, patas tayo kung batas ang pag-uusapan. Miski magbaliktad ang sitwasyon sa kinabukasan, at lumakas ang Pilipinas habang humina ang China, batas pandaigdig pa rin ang masasandalan natin imbis na dahas ng armas.
Ika nga ng isang dalubhasa, kung pabor sa iyo ang batas, ipukpok ito; kung hindi, pukpukin ang mesa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).