TULUYAN nang kinansela ang anumang planong bonus na pera, kung meron man, para sa mga matataas na opisyal ng PNP. Ito ang pahayag ng Palasyo, ilang araw nang unang inilabas ang planong pagbibigay ng P50,000 hanggang P400,000 para sa mga heneral at senior superintendent. Walang iba kundi si PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato’’ Dela Rosa ang unang nagpahayag sa publiko nang malalaking bonus.
Ngayon sinisisi ni Dela Rosa ang media kung bakit hindi na natuloy ang bonus. Dahil daw sa pagtatanong kung saan manggagaling ang mga pondo para sa mga bonus, umatras na lang daw ang Palasyo. Sabi ni Dela Rosa, baka mula sa intelligence fund ng Presidente. Pero hindi puwedeng gamitin ang pondong ito para sa mga bonus. Hindi saklaw sa layunin ng intelligence fund ang Christmas bonus. Kung matatandaan ninyo, napakalaki ng intelligence fund ni Duterte kumpara sa ibang administrasyon.
Siguro namulat ang Palasyo na hindi mapapaliwanag nang maayos ang pagbibigay ng mga pera sa pulis. Anumang perang ilalabas ng gobyerno ay kailangang dumaan sa Commission on Audit, kaya malalaman talaga kung saan galing ang pera, at saan pupunta. Ayon kay Sen. Panfilo Lacson na dating PNP chief, mahirap pangatwiranan ang pagbigay ng pera na wala naman sa batas. Bawal din kung galing sa pribadong sektor ang perang ibibigay sa mga pulis. Kaya nga ang pagtanggap ni Dela Rosa ng biyahe at bakasyon na sinagot umano ni Sen. Manny Pacquiao ay kuwestiyonable rin.
Pero wala ba talagang ibinigay na pera sa mga opisyal na pulis? Ano ang ulat na may kumausap umano sa isang pahayagan, at sinabing nakatanggap na siya ng P100,000 mula kay Dela Rosa mismo sa kanyang tanggapan sa Camp Crame? Hindi pinangalanan ang opisyal kasi natakot at baka buweltahan. Kung totoo man ito, maganda sana kung magpakita siya ng ebidesniya na nakatanggap na nga siya ng pera, kahit hindi na magpakilala. Litrato ng resibo, listahan na pinirmahan o video sana na tinatanggap niya ang umanong sobre na may pera. Ayon sa tagapagsalita ng PNP, dapat lumantad itong nagsalita para patunayan na nakatanggap na nga siya ng pera, kasi wala naman daw talaga. Kung takot nga at baka buweltahan, bakit lalantad?
Dagok na naman ito sa imahe ng PNP, pati na rin ang tiwala ng taumbayan sa organisasyon. Hindi nakakatulong na ang hepe mismo ay kayang magsabi ng hindi totoo sa publiko. Sa totoo lang, hindi na alam kung sino ang nagsasabi ng totoo – si Dela Rosa, ang Palasyo o ang pulis na nakatanggap na umano ng pera. Paano nga naman maibabalik ang tiwala ng mamamayan sa PNP, kung ganito na ang nagaganap? Iba-iba ang pahayag, urong-sulong, tanggi rito, tanggi roon.