Nasaan ang Paskong maingay, masaya
Sa paligid-ligid ay di na makita;
At ang Bagong Taong ngayo’y malapit na
Dating kislap nito’y waring naglaho na!
Darating ang Pasko at ang Bagong Taon
Subali’t kaiba sa dating panahon;
Ang saya at siglang naranasan noon
Waring naglaho na’t sa dusa nabaon!
Kaya Bagong Taon...darating sa atin
Na wala ang tuwang dati ay kapiling;
Ang maraming tao pagkagat ng dilim
Nangakaligpit na’t tulog nang mahimbing!
Dalaga’t binatang dati’y nagpapasyal
Di mo na makita sa mga lansangan;
Natatakot silang doon ay abutan
Ng mga salarin at mga kawatan!
Kaya Pasko ngayon at ang Bagong Taon
Hindi na katulad ng unang panahon;
Ngayo’y kakaiba ang tunog ng kanyon
Pagka’t pumapatay sa naglilimayon!
Hanap ko ang Pasko sa mga bintana
Na dati’y may parol na napakagara,
Subali’t wala na ang magandang diwa
Ng Paskong nagdaan sa maraming dampa!
Pasko’y hanap ko rin sa mga tahanan
Na dati’y sagana sa maraming bagay;
Wala na ang prutas, mansanas, dalandan
Puto at kutsinta at saka kalamay!