Sayang na sayang nga’t ngayon ko lang nasilayan
Ang ganda mong naiiba sa lahat ng paraluman;
Kung doon ay nakita ko ang taglay mong katangian
Disin sana noon pa man umawit na ng Kundiman!
Ngunit ako’y hindi naman mang-aawit na magaling
Ang tinig ko’y laging paos sa pag-awit ng malambing;
Kung kasaliw ng gitara ako’y parang isang lasing...
Mga kwerdas nalalagot at sa nota’y sala pa rin!
Kung kaya lang umaawit ng awiting para sa’yo
Kung ikaw ay nakikita na malayo naman ako;
Sapagka’t sa totoo lang lubhang dukha pagkatao
Hindi dapat na makitang nakatabi sa ganda mo!
Kaya Mutya sayang na sayang nga ang aking pag-ibig
Na nabuhos sa ganda mo at sa’yo lang napakatnig;
Kung kaya sa tabing-dagat ako’y laging nagpapraktis
Ng awiting para sa’yo sa gabi ng panaginip!
Ngunit kahit anong gawin hindi ako makayari!
Ng nota at mga letrang sa iyo magtatangi;
Kaya naman naisipang magbago na ng lunggati
Tula na lang ang bigkasin na sa iyo’y pangiliti!
At kagabi nang ang buwan sa langit ay magluningning
Isang tula ang hinabi sa madiwang salamisim;
At nang ako’y mag-ensayo ng maalab na tulain
Kumukumpas at ang tinig sa puso ko nanggagaling!