Umiyakang langit

Umiyak ang langit at ito’y lumuha

iniluha nito ay ulang sagana;

Kaya lumaganap ang baha sa bansa

tao at pananim ang nangapinsala!

 

Wala namang bagyo, malakas ang hangin

na siyang naghatid ng ating hilahil;

Ang maraming lugar nitong bansa natin

nagmistulang dagat sa ulang dumating!

Ilang araw tayong binasa ng langit

na para bang tayo’y Kanyang ninanais

Na magbagumbuhay at tayo’y maglinis

ng ating konsensyang marumi at putik!

 

Ang patak ng ulan parang di-hihinto

kaya nahirapan ang maraming tao’t

Marami ang tubig na bumagsak dito

halos lahat tayo ay nasa delubyo!

 

Ang delubyo noong panahon ni Noah

ginusto ng Diyos at Kanyang ginawa;

Dahil sa nakitang ang tao’y masama

ginunaw ng Diyos daigdig na luma!

 

At ngayong bago na ang ating daigdig

itong Amang Diyos bahagyang tumangis;

At sapagka’t Siya’y Ama ng pag-ibig

ilang araw tayo na Kanyang tinikis!

 

Sa dami ng taong nasa ating bansa

nababahala na ang Poong Dakila;

Nagbabawas Siya’y hindi nga lang bigla

na ang ginagamit landslide at baha!

Show comments