PATULOY na mangangalap si President Rody Duterte ng impormasyon tungkol sa mga huwes na sangkot sa droga. Pero ibibigay na lang niya ito kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. “Bahala na siya (kung ano ang gagawin) doon,” ani Duterte.
Nauna rito nagkabanggaan ang dalawa sa patakaran. Kabilang sa 163 politiko at pulis, sinangkot ni Duterte ang pitong huwes na dapat shoot-to-kill kung hindi sumuko. Umalma si Sereno. Aniya, patay na ang isa, retirado na ang dalawa, at sinibak na ang isa pa sa pito. Dalawa sa natitirang tatlo ay walang dinidinig na sa kasong droga, at ang huli ay sinisiyasat na. Pero hindi sila kailangan sumuko, ani Sereno, hangga’t wala namang kasong isinasampa si Duterte. Sa galit dito, nagbanta si Duterte na ipababastos si Sereno sa lahat ng taga-Ehekutibo. Nagtahimik lang si Sereno. Kalaunan, nag-sorry si Duterte sa kabruskohan.
Nagkaintindihan na ang dalawa. Nais lang ni Duterte na tuparin ang pangakong drug-free state sa loob ng isang taon. Nais naman ni Sereno na sumunod sa judicial process: isakdal, litisin, hatulan.
Nag-aapura si Duterte, bago maging narco-state ang bansa. Sa bilis niya, 662 ang napatay, 7,000 ang nahuli, at 600,000 ang napasukong addict at pushers sa loob ng 50 araw.
Sa kabilang dako, sadyang mabagal ang judicial process. Linggo ang binibilang sa pagsusuri ng ebidensiya bago magsampa ng kaso, maglitis, at humatol sa isang drug lord o protector.
Pero humanap sana ng paraan si Sereno para pabilisin ito. Maaari daanin sa Internet technology, pagbawas ng mga hakbangin, pagsaway sa mga tamad na huwes o nagpapatagal na abogado, pagpaikli ng argumento, pagdagdag ng mahistrado.
Inip na kasi ang tao sa lumalalang droga sa kabagalan ng hustisya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).