Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
NAKAALIS KA NGA sa kwebang may mga hayop nahulog ka naman sa bangin na may iba’t-ibang uri ng insekto.
“Yung nilipatan kong amo kamag-anak lang din ng dati kong amo. Gusto ko na umuwi dahil wala akong tiwala sa kanila. Sobra-sobra pa sa oras ang trabaho ko,” ayon kay Marissa.
Nakapasok bilang Household Service Worker (HSW) sa Kuwait si Marissa Pahimnayan sa tulong ng Mahmood International Agency.
Hindi nakatagal sa unang amo si Marissa dahil sa hindi magandang pagtrato sa kanya ng mga alaga.
Tatlo ang inaalagaan niya. Bata man daw ang mga edad ng mga ito kung umasta ay daig pa ang matanda.
Minumura, dinuduraan, binabato ng kung anu-anong bagay at sinasampal. Ilan lang ito sa ginagawa sa kanya ng mga alaga.
Sinubukan niyang magsumbong sa kanyang amo ngunit sagot lang nito sa kanya mga bata ito kaya’t huwag nang patulan.
“Ipinaalam ko na rin sa ahensya ko ang kalagayan ko at nagsabi ako sa kanilang gusto ko nang umuwi. Sagot nila hindi raw pwede,” pahayag ni Marissa.
Kailangan niya raw matapos ang dalawang taong kontrata bago siya magdesisyong umuwi ng Pilipinas.
Dagdag pa niya kahit may sakit siya ay kailangan niyang hilahin ang kanyang katawan para magtrabaho.
Nung simula sinubukan pa ni Marissa na tiisin ang ugali ng mga alaga ngunit kahit na nagsusumbong siya paminsan sa kanyang amo ay hindi naman nito dinidisiplina ang mga anak para pakitunguhan siya ng maayos.
Agad kaming nakipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang ilapit ang problema ni Marissa at maaksyonan ito.
Sa unang subok ng embahada na siya’y makausap ay hindi sila nagtagumpay dahil mahina ang signal ni Marissa.
Nagpaalam siya sa kanyang amo ngunit sinabihan pa siyang ano ba raw ang gusto niya bakit siya lilipat ng amo o aalis. Sex ba o massage? Sa puntong ito nabastos si Marissa sa inasta ng kanyang amo.
Hindi naman tumigil ang embahada hangga’t makausap si Marissa at malaman kung ano talaga ang kanyang pinagdadaanan dun.
Mismong si Marissa na ang nagkwento sa kinatawan ng embahada na totoo ngang sinasaktan siya ng kanyang mga alaga dun. May panahon pang pinalo siya ng laruang plastic sa dibdib.
“Iniinda ko ang sakit sa loob ng ilang araw. Wala naman ako magawa kundi ang magdasal na sana magbago sila. Hindi na ako makapasumbong sa amo ko dahil alam ko na naman ang isasagot nila,” salaysay ni Marissa.
Sa kopya ng report na pirmado ni Ambassador Renato Villa halos dalawang buwan lang daw si Marissa sa una niyang employer.
Inilipat siya ng amo ngunit sa tiyuhin lang ng nauna niyang amo. Nag-alala naman si Marissa na baka hindi maging maayos ang relasyon niya rito dahil sa unang reklamo niya sa kamag-anak nito.
Nung simula ayaw niyang umuwi ng Pilipinas at hinihiling na sana ay matulungan na lang siyang makahanap ng maayos na employer. Gusto niya ring mapunta sa employer na marunong mag-Ingles nang sa ganun ay mas magkaintindihan sila.
Ipinaalam niya rin sa kanyang amo na gustong niyang payagan siyang magpunta ng simbahan tuwing Linggo ngunit inisip ng amo niya na gagamitin niya lang ang pagkakataong ito para tumakas.
Pinayuhan siya ng kinatawan ng Post na kung sakaling magkaroon ng problema ay makipag-ugnayan siya at dumiretso lang ng embahada.
Nang kumustahin namin si Marissa idinaing niya ang sobra-sobrang oras ng pagtatrabaho niya.
“Yung tulugan ko parang kulungan ng baboy. Kalawangin at hindi ako makahinga,” wika ni Marissa.
Nag-send din siya ng litrato ng kanyang sandamakmak na labahin at kailangang plantsahin.
Kahit daw pagod na siya hindi siya makapagpahinga kaagad dahil kailangan niya pang tapusin ang mga gawaing ibinigay sa kanya. Halos wala na siyang pahinga sa bagong employer.
Nagtitiis lang naman daw siyang mangibang bansa para sa kanyang mga anak at pamilya. Single mother siya at gusto niyang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak.
Hindi ito ang unang beses niyang umalis ng bansa para makipagsapalaran sa banyagang employer.
Kung maayos-ayos lang daw na amo ang napunta sa kanya wala naman siyang magiging reklamo.
Sa hirap na pinagdadaanan ni Marissa nagdesisyon na siyang humingi ng tulong para makabalik na lamang ng bansa.
May natanggap naman kaming e-mail mula kay Ambassador Renato Villa, ayon sa kanya nasa kostudiya ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) si Marissa.
Ika-anim ng Abril 2016 nang mag run-away si Marissa sa pangalawa niyang employer.
Kwento ni Marissa humingi raw siya ng tulong sa isang HSW na nagtatrabaho sa kapatid ng kanyang amo. Sinabihan siya nito na may taxi na susundo sa kanya.
Sinundo siya ng taxi driver malapit sa bahay ng amo ni Marissa at diretsong dinala sa embahada.
Tinawagan naman ng embahada ang numero ng employer ni Marissa at ipinaalam nila sa kanyang Madam na nasa kostudiya siya ng POLO. Pupuntahan naman daw nila ito sa opisina para makita si Marissa.
Nangako naman ang embahada na anumang balita tungkol kay Marissa ay agad na ipapaalam sa amin.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.