NAGIGING mas mainit na ang mga pahayag at ba-ngayan sa pagitan ng Amerika at China. Sa Singapore, nagbitaw ng salita si US Defense Chief Ashton Carter na kung itutuloy ng China ang pagtayo ng mga gusali o imprastraktura sa Scarborough Shoal, kikilos ang Amerika at iba pang mga bansa. Ang Scarborough, o kung tawagin nating Panatag Shoal, ay napakalapit na sa Pilipinas. Dito nagsimula ang pag-asim ng relasyon ng China at Pilipinas noong 2012, nang magharapan ang mga barko ng dalawang bansa, dahil sa gustong mangisda ang ating mga kababayan doon. Magmula noon, nawalan ng hanapbuhay ang maraming mangingisda natin, dahil sa pagtataboy at pagbabanta ng mga barkong China sa kanila. Nasa Singapore si Carter para sa pagpupulong sa seguridad ng rehiyon. Siguradong China ang pag-uusapan ng lahat ng dadalo.
Mukhang hinihintay na lang natin, at ng mga bansang kaalyado natin sa isyu, ang desisyon ng UN Permanent Court of Arbitration, na inaasahang magiging pabor sa bansa. Kaya madalas na ring maglabas ng mga pahayag ang China para magsilbing pangontra sa desisyon. Kaya rin siguro gustong madaliin ang pagtayo ng mga istraktura sa Panatag, para mahawakan na bago may makialam. Pero ang banta nga ng Amerika ay mahihiwalay lang ang China sa mundo, sa kabila ng kanilang pahayag na may apatnapung bansa daw na sang-ayon sa kanilang katayuan sa karagatan.
Kailan lang ay inakusahan ng Amerika ang dalawang eroplanong pandignma ng China dahil sa kanilang peligrosong pagsalubong sa eroplanong Amerika na hindi naman armado. Naganap ang insidente sa international na himpapawid, kontra sa pag-aangkin ng China sa halos buong karagatan at himpapawid sa West Philippine Sea. Kung ganito na ang magiging kilos ng China sa lahat ng eroplano at barko na lalayag at lilipad sa kinikilalang international na karagatan at himpapawid, gaano katagal bago magkaroon ng hindi kanais-nais na enkwentro? Nagkaroon na ng banggaan ng eroplano ng Amerika at China. Hindi na dapat maulit. Tuloy-tuloy na nga ang mga lumalabas na pahayag hinggil sa sitwasyon sa rehiyon, kung saan inaabisuhan ang China na itigil na ang militarisasyon. Pero ano pa ang aasahan sa China, lalo pa ngayon na tila kinokontra na sila ng maraming bansa.