EDITORYAL - Babala sa mga ‘buwaya’ sa BIR, Customs at LTO

NOON pa man, marami nang nakaaalam na talamak ang korapsiyon sa Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Land Transportation Office (LTO). Ang tatlong ito kasama ang DPWH at Bureau of Immigration ay kasama sa top 5 kung korapsiyon ang pag-uusapan. Nangunguna ang Customs sa pinaka-korap sapagkat ultimong janitor at guwardiya roon ay namamantikaan ang nguso. Marami sa mga opis­yal at empleado ng Customs ay may “Hepa-B”. Naninilaw sila --- hindi dahil sa sakit kundi sa nakasabit na matabang kuwintas sa leeg. Napabalita noon na may mga empleado sa Customs na dala-dalawa ang sasakyan at may tatlo o apat na pinto ng apartment na pinauupahan. Nang bulatlatin ang suweldo ng empleado, napag-alamang P15,000 lamang. Paano maka­kabili ng sasakyan at paupahang bahay ang ganitong suweldo?

Marami ring korap sa BIR. Tahanan din ito ng mga “gutom na buwaya”. Marami ring opisyal at empleado rito ang namumutiktik ang bulsa dahil sa “pag-aayos” ng mga gusot. Pera lang ang katapat at ayos na ang mga bayarin sa buwis.

Kung sa Customs at BIR ay maraming buwaya, mas marami rin sa LTO at mas matatakaw pa. Walang kabusugan ang mga “buwaya” sa LTO at sa paglipas ng panahon, lalo pang naging­ talamak ang korapsiyon dito. Walang pagbabago sa LTO sapagkat ang mga iniupo rito ay pansarili lamang ang hangad. Walang makitang pagsisikap para maging malinis at tapat sa pagliling­kod sa mamamayan.

Ang kabulukan ng Customs, BIR at LTO ay nalalaman ni incoming president Rody Duterte. Tinukoy niya ang tatlo na pinaka-korap. Kaya ang babala niya sa tatlong tanggapan, bubuwagin niya ang mga ito. Hindi raw siya mangingi­ming i-abolish ito dahil sa matinding korapsiyon.

Sige, buwagin para magkaroon ng pagbabago. Kung ito ang tamang paraan, gawin ito.

Show comments