Mas marami pa sanang Eye Center sa bansa
BINUKSAN na kamakailan ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang bagong Eye Care Center sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo na handang magbigay ng libreng serbisyo para sa mga mahihirap na residente na may iniindang sakit sa mata at mga problema sa kanilang paningin.
Pormal na binuksan sa publiko ang bagong pasilidad sa nasabing pagamutan kasabay ng okasyon ng pagdiriwang ng ika-18 anibersaryo ng GABMMC.
Ayon kay Dr. Jose Ariel Lorenzo na tumatayong hepe ng GABMMC Eye Care Center, layon nila na maasikaso ang mga may katarata sa buong lungsod at masupil ang katarata sa Maynila.
Katarata, na kadalasang tumatama sa mga matatanda, ang nangungunang sanhi ng pagkabulag sa Pilipinas, na may naitalang 400,000 kaso sa bansa.
Sa isang ulat pa ay sinasabing may 100 kabataan ang nabubulag bawat linggo sa buong bansa, sa mga dahilang maaari sanang maiwasan, maagapan at magamot.
Pagmamalaki ni Dr. Lorenzo na ang bagong Eye Center ay mayroong mga bago at modernong diagnostic and examination instruments at surgical machine, kabilang ang computerized refraction machine, phoropter, slit lamp, ophthalmoscopy, tonometer, A-scan biometry, and phacoemulsification machine (na kayang magsagawa ng mabilis na operasyon sa katarata) na tutugon at magpapanumbalik ng malinaw na paningin sa lahat ng pasyente sa lungsod.
Dagdag pa niya, kung noon ay natutugunan ng kanilang Ophthalmology Department ang pangangailangang medikal ng tinatayang 500 hanggang 600 pasyente kada buwan, inaasahan naman niya na darami ang magtutungo sa kanila upang magpakunsulta at magpagamot ngayong mas kumpleto at moderno na ang mga kagamitan ng Eye Center. Bukod sa katarata, karaniwang inilalapit sa kanila ang kaso ng conjunctivitis o sore eyes, sty o kuliti, at mga trauma o sugat sa paligid ng mga mata bunsod ng mga away at basag-ulo sa lugar.
Nawa ay mas marami pang mga pampublikong ospital at pagamutan sa bansa ang maglaan ng suporta, maayos na pasilidad at libreng serbisyo upang masolusyunan ang mga problema sa mata at magsulong ng pangangalaga sa paningin ng ating mga kababayan.
- Latest