‘Desperadong presidentiables’

SURVEY ang dahilan kung bakit may mga presidentiable na desperado at inspirado.

May kandidatong tahimik lang pero nung nakanti nagsalita na rin. Mayroon namang kandidato na talagang may intensyon na manggiba gamit ang taktika at estratehiya ng isang  trapo.    

Paglilinaw, wala akong iniendorso sa sinumang puli­tikong tumatakbo. Ito ay pag-aanalisa lamang base sa kanilang mga sound byte.  

Kung si Sec. Mar Roxas tinawag na banta sa demo­krasya, sinungaling at mas masahol pa sa diktador si Duterte, tawag naman ni VP Jojo Binay sa alkalde, pambansang berdugo. Si Sen. Grace Poe, malumanay. Ipinapakitang may kumpyansa sa sarili. Bumanat, su­balit hindi direktamenteng binanggit ang target. Hustisya daw ang kailangan ng bansa hindi karahasan.  

Naging masahol pa ang batuhang-putik na ito nang manguna sa presidential surveys pareho sa SWS at Pulse Asia si Digong. Sa lahat ng mga tumatakbo sa pagka-pangulo, si Roxas at Binay ang unang sumingaw. Sa malisyosong isipan ni Juan Dela Cruz, napaghahalataan tuloy ang totoo nilang motibo.     

Madali lang matukoy ang mga pulitikong desperado. Desperado kasi alam nilang lagapak na sila subalit gagawin pa rin ang lahat ng hakbang makapuntos at makapanira lang. Maihahalintulad sila sa dalawang boksingerong nag-aagawan ng titulo sa ring. Kahit duguan at alam niyang talunan na siya, pipilitin pa ring magpapakawala ng wild punches sa kalaban.   

Una, gagawa sila ng mga katawagan na madaling tumatak sa isipan ng tao. Branding for a recall kung tawagin sa Englis.        

Pangalawa, pilit nilang babaguhin ang positibong persepsyon ng tao sa napupusuan nilang kandidato.  Ang persepsyon ay base sa sinasabi ng isang indibidwal, ginagawa, resulta at kinahinatnan ng gawa. Ito ang dahilan kung bakit nagustuhan nila ang isang presidentiable at vice-presidentiable.  Dahil dismayado at desperado na ang tao sa nakikita nilang pamamahala sa gobyerno, gusto na nila ng pagbabago.     

Pangatlo, gagawa ang mga desperadong pulitiko ng pag-aalinlangan at pagdududa sa kanilang katunggali para makahati ng boto.“Perception game” ang tawag dito.     

Pang-apat, magbibigay sila ng pangamba at takot sa tao na kapag nanalo ang ginigiba nilang kalaban, ipakikita ang mga pangit at negatibong magiging kahihinatnan.     

Sino bang presidentiable at vice presidentiable ang nangunguna ngayon sa mga survey? Kayo na ang bahalang mag-analisa at bumalanse.

Inuulit ko, wala akong iniendorso.    

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang episode mag-log on sa BITAG YouTube Official channel sa youtube.com/user/bitagvideos.  

 

Show comments