MAAABSUWELTO raw si Lt. Col. Ferdinand Marcelino sa mga kasong hinaharap niya ngayon, pati na rin sa pag-iisip ng mamamayan, kung mapapatunayan na lehitimong operasyon ang kanyang ginampanan noong nakita siyang nasa loob ng bahay na sinalakay ng PDEA sa Sta. Cruz, Maynila. Ito ay ayon sa ilang mambabatas na pare-pareho ang itinatanong, “Ano ang ginagawa niya doon?” Ayon naman kay Magdalo Rep. Gary Alejano, dahil sundalo na siya at wala na sa PDEA, hindi siya dapat gumagawa ng trabaho na wala naman sa mandato niya. Si Marcelino ay superintendent ng isa sa mga institusyon ng Philippine Navy.
Sa ngayon ay wala pa ring maipakita na dokumento para sabihin na ang kanyang presensIya sa nasabing bahay ay dahil sa kanyang laban sa iligal na droga. Sa kabila ng pagbigay suporta at tiwala ng mga kilala ni Marcelino at dating katrabaho sa kanyang integridad, wala pa ring mga opisyal na dokumento para suportahan ang pagdiskubre sa kanya sa nasabing drug laboratory. Wala ring ahensiyang lumulutang para sabihin na opisyal na trabaho ang kanyang ginawa sa bahay. Lahat ng kanyang depensa sa ngayon ay puro pahayag lamang mula sa kanya at sa kanyang abogado, bukod sa pagkakilala sa kanya bilang dating opisyal ng PDEA na maganda ang rekord sa paghuli sa mga sangkot sa iligal na droga.
Nakatutok ang marami sa kasong ito, dahil na rin sa pagkakakilala kay Marcelino. Hindi lang ang mga otoridad at mambabatas ang humihingi ng mga sagot, kundi ang mamamayan rin. Parang sinasabi na kung ang isang katulad ni Marcelino ang masasangkot rin sa iligal na droga o kung ano pang krimen, parang nawawalan na ng pag-asa ang marami. Lumalabas na wala nang mapagkakatiwalaan. Kaya mahalaga na masagot ang tanong ng marami. Marami ang umaasa na wala siyang maling ginawa, pero kailangang mapatunayan sa pamamagitan ng mga opisyal na dokumento, hindi lang pahayag at pangalan.
Ayon sa PDEA, mas marami naman ang naarestong mga nagtutulak at sangkot sa iligal na droga sa taong 2015 kumpara sa 2014. Kasama diyan ang ilang mga pulis, barangay captain, konsehal at empleyado ng gobyerno. Mga “high value targets” ang tawag nila sa mga iyan, kasama ang mga dayuhang kriminal at sindikato. Mabuti naman, at wala nang mas masamang salot sa lipunan kaysa sa iligal na droga. Sana magpatuloy, at sana talagang makulong ang mga nahuhuli. Baka naman labas-pasok lang sila kapag may nabili na namang kaluluwa.