KINAKAILANGAN pa ba natin ng isang hapones para makakuha ng tuwid na sagot mula sa pangulo?
Kung hindi pa dumating sa Pilipinas si Japanese Emperor Akihito hindi pa mapipiga si Pangulong Noy Aquino sa matagal nang problema sa sektor ng agrikultura.
Sa isang pag-uusap nina PNoy at Emperor Akihito, nabanggit ni PNoy na dati ang Pilipinas daw ay major agricultural country pero ngayon importer na ng bigas. Hindi matiyak kung ito ba ay isang uring pagyayabang at pagbubuhat ng bangko ng pangulo o sadyang nadulas lang. ‘Yan nabuking tuloy!
Dahil mausisa ang hapones na opisyal, diretsahan niyang tinanong si PNoy kung bakit.
Bilib din naman ako sa pagiging tapat at prangka ng presidente. Talagang tuwid at diretsahan sa pagsagot. Ang unang nakita at sinisisi niyang dahilan kung bakit importer nalang ang Pilipinas ngayon, kulang daw kasi ang mga irigasyon at hindi makontrol ang pagtaas ng presyo ng bigas.
Maliban dito, tumatanda na rin daw ang mga magsasaka at bumababa na ang bilang ng mga kabataang may interes sa pagsasaka. Sa tono ng pangulo, lumalabas, kasalanan pa ngayon ng mga pobreng ‘hampas-lupa’ kung bakit bumababa ang ani at nawawalan sila ng gana. Nakalimutan yata ni PNoy na simula ng umupo siya tinanggal niya ang subsidiyang pataba at binhi para sa mga magsasaka. Pagdating naman sa National Irrigation Administration ang inupong si Florencio Padernal isa ring palpak at pabaya. Ang kalbaryo tuloy ang buhay, mga magsasaka.
Buti pa ang Japan emperor, tuwid na sinagot ng pangulo. Samantalang ang mga magsasakang sumusugod at umaatungal na sa NIA, hindi niya masagot bagkus hinihilot.
Alam ni PNoy ang problema sa sektor ng agrikultura. Ewan ko lang kung pagdating ng cabinet meeting, pini-pendeho siya ng mga gabinete niya o sadyang pinipikitan niya lang ang problema.
‘Yan ang resulta ng paglalagay ng pangulo ng isang tulad ni Proceso Alcala.
Kaya sinuman ang susunod na maging pangulo, wag si PNoy pamarisan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.