WALANG nahukay na katotohanan sa isinagawang imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano massacre noong Miyerkules. Kung ano ang kinalabasan ng imbestigasyon noong nakaraang taon, halos wala ring pinagkaiba. Naulit lamang ang pagtuturuan ng military general at mga dating opisyal ng Philippine National Police na may kinalaman sa “Oplan Exodus” noong Enero 25, 2015. Itinuturo ng military general ang dating hepe ng Special Action Force na si Gen. Getulio Napeñas na hindi nakipag-coordinate sa kanila kaya hindi nabigyan o napadalhan ng tulong habang nakikipagbakbakan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Sabi ni Napeñas, maaga pa lamang ay humingi na siya ng artillery support sa AFP. Pero walang dumating na tulong. Itinanggi naman ng AFP Chief ang sinabi ni Napeñas.
Dahil hindi nasaklolohan, nalagas ang 44 na miyembro ng SAF. Ang 44 ang nagsilbing blocking force sa mga sumalakay sa kubo na kinaroroonan ng teroristang si Marwan. Napatay si Marwan pero malagim naman ang sinapit ng 44 SAF.
Walang nagawa ang AFP para man lang matulungan ang mga police commando na nakikipaglaban sa Bgy. Tukanalipao. Napaligiran sila sa isang maisan at doon na sila walang awang pinagbabaril. Kahit nakabulagta na, binabaril pa umano. Pagkatapos ay ninakawan pa.
Halos pitong oras na nakipaglaban ang SAF 44 sa MILF at BIFF pero walang tumulong sa mga ito. Hinayaang patayin ang mga police commandos.
Hindi naman napigil na sabunin ni Sen. Juan Ponce Enrile ang military general dahil walang ginawa para matulungan ang SAF. Paano raw kung salakayin ng China ang Pilipinas? Ano ang gagawin ng mga general? Halata sa boses ni Enrile ang inis dahil walang ginawa ang AFP.
Ganunman, wala ring nahukay sa imbestigasyon dahil namayani ang pagtuturuan. Inilusot ng mga magagaling na heneral ang kanilang mga sarili. Walang kapupuntahan ang pagmasaker sa SAF 44.