KUNG noon ay tanim-bala ang naging malaking isyu at problema sa NAIA, ngayon, mga taxi naman. Ilang mga pasahero ang nagreklamo sa umano’y overcharging ng mga taxi na nakatakda sa NAIA. Umaabot sa libo ang singil ng mga taxi kahit malalapit lang ang destinasyon. Mga ayaw gumamit ng metro, at walang pinipiling biktima, maging lokal na mamamayan o dayuhan. Pero tila mas matindi ang sinisingil sa mga dayuhan. Dolyar pa nga minsan ang hinihinging bayad.
Kaya binabantayan na ng LTFRB ang mga taxi sa NAIA ngayon. Siyempre, habang may bantay, walang gagawa ng kalokohan. Pero oras na umalis na naman ang mga opisyal sa NAIA, siguradong babalik na naman ang mga masasamang-loob. May koordinasyon daw sa NAIA. Pero bakit hindi ba matukoy ng NAIA mismo ang problemang ito? Dahil wala rin naman silang alam sa tanim-bala noon, na malinaw na ipinakita sa pagdinig sa Senado.
Hindi na talaga nawalan ng problema o isyu ang paliparang ito. Noon, palaging nasa listahan ng mga pinakamasamang paliparan sa buong mundo. Taon ang inabot bago tuluyang natanggal na sa nakakahiyang listahan. Tapos, naganap naman ang tanim-bala, na kumalat din sa buong mundo. Kaya masama na naman ang reputasyon ng NAIA. Nang magkaroon ng mga pagbabago sa pagtrato sa mga nahuhulihan ng mga bala, taxi naman ang isyu. Tila ang pasaherong paalis o pabalik ang pinakapaboritong biktima. At walang maibigay na proteksyon sa kanilang lahat, lalo na sa mga dayuhan. Paano maisusulong ang Pilipinas bilang magandang destinasyon para sa mga turista, kung sa paliparan pa lang ay wala na silang gana?
Malaking bagay ang paliparan. Ito ang unang nakikita ng turista, at dito kaagad nagkakaroon ng opinyon kung magiging masaya o masama ang kanyang pagbisita. Napakalayo ng NAIA kumpara sa mga ibang paliparan sa rehiyon, tulad ng Singapore at Hong Kong. Hindi rin nakakatulong kung masama ang kalakaran ng NAIA. At sa dami ng isyu ng paliparang ito, ito nga malamang ang dahilan. Kaya ang payo na lang sa mga pasahero, pumalag sa mga abusadong drayber. Kunan ng video para may patunay. At huwag matakot magreklamo sa mga otoridad. Mas maganda kung malaman kaagad ng media, para malaman na rin ng publiko. Kung walang papalag, magpapatuloy lamang ang lahat ng pang-aabuso sa NAIA.