DI ba kaya lumilikha ng budget ang gobyerno ay para matustusan ang mga pangangailangan ng bansa at mamamayan. At kapag nagkaroon na ng budget allocation ang isang tanggapan, dapat itong gastusin ayon sa pangangailangan.
Pero hindi ganito ang nangyayari sa Commission on Higher Education (CHEd). Nabulatlat ng Commission on Audit (COA) na hindi ginagastos ng CHEd ang P1.23 bilyong pondo para matulungan ang mga mahihirap na estudyante sa buong bansa. Ayon sa report ng COA, hindi nagagastos ng CHEd ang pondo dahil sa maling implementasyon ng government’s student assistance programs. Ayon pa sa COA, may mga “kahinaan” na nangyayari sa CHEd kung bakit hindi nagagalaw ang pondo. Ayon sa COA, noong 2014, naka-allocate sa CHED ang pondong P5.2 bilyon para pantulong sa 391,817 na mahihirap na estudyante sa kolehiyo. Pero ayon sa COA, P1.23 bilyon sa nasabing pondo ang hindi nagagastos dahil hindi raw maabsorb ng CHED ang allocation nito.
Napakahalaking halaga ng pondong ito na hindi nagagastos na dapat ay noon pang 2014 napakinabangan. Ano ang gagawin dito ng CHED? Kung totoo ang sinabi ng COA na may “kahinaan” na nangyayari sa CHED kaya hindi nagagastos ang pondo, dapat maimbestigahan ito. Kailangang mapakinabangan ng mga mahihirap na college students ang pondo. Napakaraming nangangailangan ng pondo para matustusan ang pag-aaral. Mara-ming mahihirap pero matatalinong estudyante ang nararapat maambunan ng tulong.
Dalawang taon na ang nakararaan, isang mahirap na estudyante mula sa UP Manila ang kinitil ang sariling buhay dahil hindi pinayagang maka-enrol dahil mayroon pa umanong pagkakautang sa unibersidad. Lumagok ng silver cleaner ang estudyante.
Marami pang ganoong pangyayari na dahil sa kahirapan ng buhay ay pinuproblema ang ipangtu-tuition. Nawawalan na sila ng pag-asa na makapagpatuloy ng pag-aaral dahil sa kakulangan ng pangmatrikula.
Imbestigahan ng Kongreso ang CHEd kung bakit hindi ginagastos ang pondo. Maraming estudyante ang namumroblema kung paano makapag-aaral pero meron naman palang pondo sa CHEd na ayaw gastusin. Anong dahilan ng CHEd ukol dito.