SA kasalukuyang Social Security Act (na ipinasa noong 1997), ang buwanang pension na matatanggap ng mga miyembrong nakapaglaan ng minimum na 10 taon na credited years of service (CYS) ay P1,200.
Kung isama mo ang inflation sa komputasyon, ang P1,200 noong 1997 ay nagkakahalaga noong 2014 pa na P518.86 na lamang. Dahil dito ay nagmungkahi ang mga kongresista at Senador na itaas ang monthly pension mula P1,200 hanggang sa P3,200 Mas mababa pa rin ito sa itinuturing na living wage na P5,333 kada buwan subalit mas ok naman ito kaysa panatiliin ang hindi na makatarungang rate na matatanggap ng ating tumatandang SS pensioner population.
Siyempre, walang kuwenta din ang ganitong uri ng benepisyo kung wala ring pondong pagkukunan. Sa batas, ang pension fund ang magiging source ng increase at kapag matuloy ito, tinatayang mauubos agad ang pondo hanggang maging bankarote ng mas maaga ang SSS. Imbes na tumagal hanggang 2042 ay 2029 pa lang ubos na ito.
Ganito ang dilemmang hinarap ng Presidente nang umabot sa kanyang tanggapan for approval ang panukalang matagal nang pinaghirapan ng dalawang Kamara. Ang karaniwang bangayan at hidwaang nagiging sanhi ng mga delay sa mambabatas ay naglaho nang nagkaisa ang mga mambabatas sa pagkilala sa pangangailangan ng mga pensioner. Hindi pumayag ang Kongreso na malulugi ang SS pensioners sa matatanggap na balik sa kanilang pinag-impukan na premiums sa matagal na panahon. At kung problema ang pagkaubos ng pension fund, nakasaad naman sa batas na obligado ang pamahalaan na pondohan ang anumang kakulangan.
Subalit si P-Noy ay nagmatigas. Veto ang sinagot sa pinagkaisahang pasya ng dalawang Kamara. Higit nitong ininda ang potensyal na pagkaubos ng pondo ng SSS kaysa sa interes ng pensioner. Aniya’y masasakripisyo naman ang interes na mas nakararaming miyembro para lamang mapagbigyan ang iilan.
Hindi kaiinggitan ang ganitong kabibigat na suliraning kailangang solusyonan ng isang Presidente. Kapwa may katwiran anumang panig ang piliin. Subalit sa mata ng mga may akda, para bang may pusong bato ang presidente dahil mas binigyang halaga nito ang problemang hindi pa nangyayari imbes na tuunan ang mabigat na katotohanang kasalukuyang nang dinaranas. Kung kayo ang nasa lugar ni P-Noy, ano ang inyong pipiliin?